
2016 Cinemaone Originals finalists announced
by Archie Liao

Inanunsiyo na ang mga kalahok sa ikalabindalawang (12) edisyon ng Cinemaone Originals.
Ang mga napiling kalahok sa narrative section ay ang Lily ni Keith Deligero, Every Room is a Planet ni Malay Javier, Baka Bukas Puwede Na ni Samantha Lee, Malinak La’y Labi ni Jose Abdel Langit, Si Magdalola At Ang Mga Gago ni Jules Katanyag, Dos Mestizos ni Petersen Vargas at Tisay ni Alfonso Torre.
Ang Lily ay tungkol sa kuwento at pinagmulan ni Lily at kung paano naging isang alamat sa Kabisayaan ang isang aswang.
Ang Every Room is a Planet ay tungkol sa romansa ng babaeng may sakit sa pag-iisip na naniniwalang ang kanyang asawa ay dinukot ng mga aliens at ng kapatid nito.
Ang Baka Bukas Puwede Na ay tungkol sa isang millennial na may lihim na pagtingin sa kanyang matalik na kaibigan na may hilig sa pag-aartista.
Ang Malinak La’y Labi ay tungkol sa nakaugaliang ritwal ng pag-aalay ng buhay ng mga hayop sa pagpapasinaya ng mga gusaling itinatayo at ang misteryo sa pagkamatay ng isang bata kaugnay nito.
Si Magdalola at ang Mga Gago ay tungkol sa mga manyakis na drug dealers na nakakuha ng katapat nang maligalig nila ang isang mangkukulam sa isang ilang na lugar sa kanayunan.
Ang Dos Mestizos ay tungkol sa isang lalake na nabago ang takbo ng buhay nang dumating ang kanyang mga kanyang kapatid sa ama na nagbigay sa kanya ng mga kumplikasyon.
Ang Tisay ay tumatalakay naman sa masalimuot na mundo ng game-fixing sa ating bansa.

Bukod sa pitong pasok sa narrative section, nauna nang ipinahayag ng festival director na si Ronald Arguelles at Head ng Cinemaone noong Pebrero ang tatlong kalahok sa Documentary section na kinabibilangan ng “Piding” ni Paolo Picones at Gym Lumbera”,”Forbidden Memory” ni Gutierrez Teng Mangansakan at “People Power Bombshell (The Diary of Vietnam Rose) ni John Torres.
Ang pinakaaabangang Cinemaone Originals 2016 ay gaganapin sa darating na Nobyembre ngayong taon.