
Princess Punzalan does not mind being typecast in ‘kontrabida” roles
by Archie Liao

Balik-pelikula ang magaling na aktres na si Princess Punzalan sa “Diyos-Diyosan” na napapanahon ang tema dahil sa nalalapit na eleksyon. Challenging ang kanyang role dahil papel ng isang gurong radikal ang pananaw at hindi naniniwala sa Diyos ang kanyang ginagampanan.
Pivotal ang kanyang role dahil siya ang huhubog sa kanyang estudyante para maging masama. Sa pagsubok ng tadhana, mababago ang kanyang pananaw nang makilala niya ang tunay na Diyos. Sa muling pagtatagpo nila ng kanyang estudyanteng isa nang mayaman, makapangyarihan at corrupt na pulitiko, magiging hamon sa kanya kung paano babaliin ang mga maling ideolohiyang itinanim niya rito.
You’re a Christian. Hindi ka ba nahirapan na i-portray ang role ng isang atheist na isa ring Marxist?
“Actually, hindi naman ako nahirapan. Iyong namang ipino-portray ko kung sino iyong character. It’s just a job for me. Kung anuman iyong paniniwala ko sa relihiyon, hindi naman siya nakakaapekto sa trabaho ko,”aniya.
Nakilala ka sa mga ‘kontrabida’ roles, ngayong nagbabalik-pelikula ka, kontrabida na naman ang role mo sa “Diyos-Diyosan,” hindi ka ba natatakot na ma-typecast ka sa mga kontrabida roles?
“I think, masyadong tumatak iyong Selina Matias role ko. Nakaukit na siya sa utak ng mga tao kaya naa-associate nila ang pangalan ni Princess Punzalan sa kontrabida roles. Pero, with this movie, iba naman siyang klase dahil may redemption at redeeming value naman iyong role ko at I hope na maipakita ko ang ibang side ko,” paliwanag niya.
Wala bang desire on your part na kumawala sa ganitong klaseng mga roles?
“I’m very comfortable kung nasaan ako ngayon. Alam ko naman iyong kakayahan ko at makikita ng mga manonood iyong other side ko as an actor sa kung ano ang kaya at puwede kong gawin,” pahayag niya.
Ang pelikulang “Diyos-Diyosan” ay tumatalakay sa pulitika at pananampalataya. Bilang isang Christian, paano ka binago ng iyong pananampalataya?
“Mahaba-haba na rin ang journey ko pero hindi pa siya natatapos. Ibang-iba na ang buhay ko ngayon kumpara noong wala pa akong personal na relasyon sa Diyos. Mas madali na sa aking magpatawad, to forgive and forget pati na roon sa may nagagawang mali sa akin. Dati-rati, napaka-insecure ko noon. Kailangan ko ng assurance mula sa ibang tao na worthy ako to be loved. Ngayon, hindi na ako kumakapit kahit kaninong tao para mabuo ako. Kumpleto na ako dahil I’ve got peace at nasa akin ang Diyos,” pagtatapos niya.
Si Princess ay mapapanood din sa toprating Kapamilya teleseryeng “The Story of Us”. Bukod kay Princess, tampok rin sa “Diyos-Diyosan” sina John Prats, Kiko Estrada, Cheska Diaz, Lorenzo Mara, Vaness del Moral, Glaiza de Castro, Tirso Cruz III at marami pang iba. Mapapanood na ang “Diyos-Diyosan” sa mga piling sinehan simula sa Mayo 4. Ito ay mula sa direksyon ni Cesar Buendia. (Idol: Pag-asa ng Bayan, Padre de Pamilya, Agawan Base).