
“Tomodachi” gets 3 nominations at Madrid International Film Festival
by Rodel Fernando
Hindi nakakapagtaka kung bakit ang pelikulang “Tomodachi” na pinagbibidahan nina Jacky Woo at Bela Padilla ay umaani ng tagumpay ngayon sa ibang bansa.
Isa itong period movie na tumatalakay sa pananakop ng bansang Japan sa Pilipinas na sa kuwento ng pelikula ay may namuong pagmamahalan sa isang Hapones at isang Pilipina. Salungatan ng prinsipyo, paniniwala at ng kultura pero kapag puso ang umiral ay totoo ngang hahamakin ang lahat masunod lang ang tawag ng pag-ibig at pagmamahalan. Maganda ang kuwento ng pelikulang Tomodachi kung saan naipakita rin ang pagyakap at pagmamahal ng ibang lahi sa mga Pilipino sa kabila nang di pagkakaunawaan at digmaan. Mahusay rin ang direksyon ni Joel Lamangan.
Kaya naman sa inilabas na talaan ng mga nominado sa Madrid International Film Festival ay nakakuha ng tatlong nominasyon ang pelikula.
Tuwang tuwa siyempre ang Japanese actor/producer na si Jacky Woo dahil sa mga nominasyon ng kanyang pelikula sa naturang film festival “. Ang mga nakuhang nominasyon ng “Tomodachi” ay Best Foreign Language Feature Film, Best Original Screenplay at Best Original Score. Sa July 2-7 ang Madrid International Film Festival sa Madrid, Spain. Binabati namin ang butihing Japanese Actor na walang sawa sa paggawa ng pelikula dito sa Pilipinas na nagbibigay ng trabaho sa mga Pinoy.
Second country na daw sa kanya ang Pilipinas at napakarami na niyang kaibigan dito sa atin. Bilang pagmamahal din niya sa ating bayan ay may mga investment na rin siya dito.