May 23, 2025
ToFarm film festival makes its debut
Latest Articles Movies T.V.

ToFarm film festival makes its debut

Jun 6, 2016

[metaslider id=21418]

by Archie Liao

Aarangkada na ang 1st ToFarm Film Festival, ang pinabagong local film festival na layuning i-promote ang farming at agriculture sa bansa.

Ayon kay Direk Maryo J. delos Reyes, festival director, ang ToFarm ay acronym  ng The Outstanding Farmer at may tema itong “The Plight of the Farmer: His Trials and Triumphs”.

Naging posible ang ToFarm dahil sa initiatibo ni Mrs. Milagros How, ang butihing executive Vice President ng Universal Harvester, Inc.

“Nag-start ang ToFarm sa “Search and Award for the Outstanding Farmers of the Philippines” na nasa fifth year na ngayon. We have awards in different categories, young farmers, cooperatives, innovative, maraming division. In the course of our search, we met a lot of farmers. They have stories that are worth telling at magandang maging inspirasyon sa lahat  that we feel worth sharing to the public. Itong ToFarm ay itinatag para bigyang pagpapahalaga at pagpupugay ang ating unsung heroes, ang mga farmers at ang kanilang mga sakrispisyo at pakikibaka sa buhay”, ani Dr. How.

Ang mga kalahok sa brainchild ni Mrs. Milagros How, executive Vice President ng Universal Harvester, Inc. ay ang Free Range ni Dennis Marasigan, isang drama, Pilapil ni Jose Johnny Nadela, isang action-drama, ang Pauwi Na ni Paolo Villaluna, isang tragicomedy, Pitong Kabang Palay ni Maricel Cariaga, isang family drama, Paglipay (Crossing) ni Zig Dulay, isang love story at Kakampi ni Vic Asedillo, Jr., isang magic realism.

Kauna-unahan sa Pilipinas, layunin ng mga organizers ng festival na makalikha ng ‘awareness’ sa mga pakikibaka at problemang kinakaharap ng ating mga magsasaka at magbigay din ng inspirasyon sa pamamagitan ng mga kuwento ng pagsubok at tagumpay na kanilang dinaranas.

Ang Free Range ay kinunan pa sa Coron ay tumatalakay sa buhay ng isang poultry farmer na dumanas ng matinding hirap at naharap sa pagsubok kung ibebenta ba niya ang kanyang lupang sinasaka dahil sa banta ng komersyalismo at turismo sa kanilang lugar.

Tampok dito sina Paolo O’hara, Jackie Rice, Michael de Mesa at Madeleine Nicolas.

Ang Pilapil ay kuwento ng isang lalakeng gusto takasan ang buhay ng pagsasaka sa kanilang probinsiya at ng isang inosenteng batang lalake na nagpabago ng kanyang pananaw sa buhay.

Tampok dito sina James Blanco, David Remos, Pancho Magno, Diva Montelaba, Bonbon Lentejas, Rez Cortez at Orlando Sol.

Ang Pauwi Na ay tungkol sa paglalakbay ng isang maysakit na matandang lalake, ng  isang magnanakaw, ng isang aso, ng isang bulag na buntis na babae at ni Hesukristo sa kanilang layuning makilala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagbibiyahe sakay ng pedicab mula Manila patungo sa kanilang’ paraiso’: ang probinsya.

Pinagbibidahan ito nina Bembol Roco, Cherie Pie Picache, Meryll Soriano, Jerald Napoles, Jess Mendoza at Chai Fonacier.

Ang Pitong Kabang Palay ay tungkol sa pamilya dela Cruz na nabubuhay sa pagsasaka at ang kanilang pagsisikap na maitawid ang kanilang kahirapan sa pang-araw-araw na buhay at ang  banta ng paghihikahos sa kanilang pamamalagi sa kanilang tahanan.

Bida rito sina Arnold Reyes, Sue Prado, Micko Laurente, Precious Miel Espinosa, Cataleya Surio at Alfonso Ynigo Delen.

Ang Paglipay (Crossing) ay kuwento ng isang kaingero at mangangasong Aeta na ipinagkasundo ng kanyang mga magulang sa kapuwa niya Aeta para pakasalan na mababago ang  pananaw nang makilala niya ang isang babaeng taga-Maynila na dumalawa sa kanilang probinsya para sa kanyang thesis. Ang salitang ‘paglipay’ ay isang salitang Sambal Ayta na ang ibig sabihin ay pagtawid na ginagamit ng mga Aeta kapag tumatawid ng ilog papuntang siyudad.

Tampok dito sina JC Santos, Joel Saracho, Upeng Fernandez, Manel Sevidal, Natasha Cabrera, Norman King, Gigi Locsin at Ken Ken Nuyad.

Ang Kakampi ay tungkol sa kakaibang kuwento ng isang taxi driver na dating lansones farmer sa kanilang bayan sa Camiguin ayon sa pananaw ng isang young executive na nakilala niya at naging pasahero at ang koneksyong nabuo sa kanila.

Tampok dito sina Neil Ryan Sese, Gloria Sevilla, Felix Roco, Suzette Ranillo, Kate Brios at Perry Dizon.

Ang 1st ToFarm Film Festival ay mapapanood sa SM Megamall sa Mandaluyong at SM North EDSA sa Quezon City mula Hulyo 13 hanggang 19, sa SM Cabanatuan at SM Pampanga mula Agosto 24 hanggang 30,sa SM Cebu mula Septiyembre 14 hanggang 20 at sa SM Davao mula Oktubre 12 hanggang 20.

For  your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.

 

Leave a comment

Leave a Reply