
Actor Orlando Sol is passionate about farming
by Archie Liao
Bilang miyembro ng Masculados, kilala si Orlando Sol sa kanyang galing sa pagkanta at pagsayaw.
Pinatunayan nga niya na hindi lamang sa pagiging performer at musical artist siya may ibubuga kundi pati na rin sa larangan ng pag-arte.
Marami siyang pinabilib sa kanyang makabuluhang pagganap sa pelikulang “Bamboo Flowers” ng award-winning director na si Maryo J. de los Reyes na naging kalahok sa kauna-unahang Sineng Pambansa Film Festival.
Ngayon, muli siyang magpapakitang gilas sa pelikulang “Pilapil” na kalahok sa 1st ToFarm Film Festival, isang festival ng mga pelikulang nagbibigay pugay sa ating mga magsasaka.
Ayon kay Orlando, totoong nakaka-relate siya sa kanyang partisipasyon sa “Pilapil”.
“Magsasaka po kasi ang aking mga magulang. Lumaki po kasi ako sa Mindanao. Grade 4 pa lang hanggang high school tinuruan na ako ng tatay ko na mag-araro, maggapas at gumawa ng pilapil. Minsan, masarap na kasama ka sa pagtatanim. Ang struggle naman ang mga farmers, minsan masaya, minsan malungkot. Na-experience kasi ng pamilya namin na failure kami sa pagtatanim ng palay. May pagkakataon nga minsan, hindi mo alam kung saan ka kukuha ng punla dahil nagkakaubusan. Pero, kapag naman tag-ani, ang sarap ng pakiramdam dahil 3 or 4 months mong hinintay, at doon mo mararamdaman ang bunga ng iyong pinaghirapan”, kuwento niya.
Dagdag pa ni Orlando, kung papipiliin siya, hindi niya ipagpapalit ang buhay ng pagsasaka sa probinsya at gusto niyang bumalik dito kung sakaling hindi na siya aktibo sa showbusiness.
“Hanggang ngayon na nakarating na po ako ng Maynila, bumabalik pa rin ako sa parents ko sa probinsya pero para sa pinansyal nilang pangangailangan,” aniya. “Nagpapatanim ako ng mais. Habang tumatanda ako, mas gusto kong bumabalik ako sa aking pinagmulan dahil malaking bahagi siya ng buhay ko”, dugtong niya.
Ang “Pilapil” ay kuwento ng isang lalakeng gustong takasan ang buhay ng pagsasaka sa probinsiya na nabago ang pananaw nang makatagpo niya ang isang inosenteng batang lalake na itinuturing na paraiso ang buhay sa bukid.
Bukod sa pag-arte, patuloy ang pamamayagpag ni Orlando bilang recording artist.
May album na siya na may titulong “Emosyon” under Star Music na kinapapalooban ng all-original ballad and “hugot” songs tulad ng “Kailan Darating ang Ayoko Na” at “Ingatan Mo ang Salitang Mahal Kita” na naging theme song ng Kapuso primetime TV series na “My Faithful Husband”.
Mula sa direksyon ni Jojo Nadela, ang “Pilapil” ay nagtatampo rin kina James Blanco, David Remo, Pancho Magno, Diva Montelaba, Bonbon Lemtajas at Rez Cortez.
Ang “Pilapil” ay kalahok sa kauna-unahang ToFarm Film Festival na mapapanood sa SM Megamall at SM North EDSA mula Hulyo 13 hanggang 19, sa SM Cabanatuan at SM Pampanga mula Agosto 24 hanggang 30, sa SM Cebu mula Septiyembre 14 hanggang 20 at sa SM Davao mula Oktubre 12 hanggang 18.
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.