
Six young filmmakers talk about their Tofarm entries
by Archie Liao
Anim na pelikula ang tampok sa kauna-unahang ToFarm Filmfest.
May drama, may aksyon, may magic realism at may tragicomedy.
Para kay Maricel Cariaga, director ng “Pitong Kabang Palay”, naging madali sa kanya ang pagsasalin sa pelikula ng kanyang kuwento dahil personal ito sa kanya.
“It’s my personal story. Farmer po kasi ako ngayon nagmula pa noong bata pa. Iyong istorya ng
“Pitong Kabang Palay” is from harvest to harvest. Para sa batang si Balong na karakter sa pelikula, siya iyong nagbibilang kung hanggang saan tatagal iyong pitong kaban nila bilang kasama o porsiyentuhan sa pagsasaka sa panahon ng “gawat” o iyong panahong wala silang kita at trabaho dahil katatapos lang ng ani. Sana kahit sa pamamagitan ng pelikula ito, maging eye opener siya sa mga kinauukulan o sa gobyerno para tulungan ang ating mga farmers na magkaroon ng sustainable means of livelihood sa panahong wala silang kita o pagkatapos ng anihan”.
Para naman kay Dennis Marasigan, direktor ng “Free Range”, gusto niyang ipakita ang pagsasaka bilang isang marangal na propesyon.
“May mga farmers ding umaasenso. Kahit hindi ka laki sa bukid mo kung may pagnanasa ka na pumasok sa buhay ng pagsasaka, basta’t ilalagay mo lang sa puso at isipan mo sa ginagawa mo, puwede kang magtagumpay at makatulong sa komunidad tulad na lamang ng mga pumasok sa free range farming sa pelikula ko. Actually, kahit sino naman ay puwedeng maging magsasaka”.
Ayon naman kay Zig Dulay, direktor ng “Paglipay” (Crossing), gusto niyang maghandog ng kakaibang kuwento ng pag-ibig tungkol sa mga Aeta sa Zambales.
“Challenge kasi sa akin na talakayin ang temang hindi ko lubusang alam pero gusto kong i-introduce sa aking mga pelikula. Tulad ng “Bambanti”, isang proseso para sa akin ang paghahabi ng kuwento ng isang love story against the backdrop of traditional farming o pagkakaingin sa Zambales”.
Gusto namang ipamulat ni Jojo Nadela, direktor ng “Pilapil” ang kahalagahan ng paglingon ng tao sa kanyang pinagmulan.
“It’s about going back to our roots, to farming. Ini-encourage ng pelikula na bumalik tayo sa pinag-ugatan natin kung saan ang isang matanda ay puwedeng matuto sa simpleng pangarap ng isang bata”.
Kay Vic Acedillo, Jr. direktor ng “Kakampi”, ibinatay niya ang kanyang kuwento base sa karanasan niya sa isang taxicab driver na nakilala niya na dating isang magsasaka.
Gusto rin niyang ipakita ang ganda ng Camiguin bilang isang tourist spot na siyang lugar ng location shoot ng kanyang dalawang pelikula, ang “Kakampi” ng ToFarm Filmfest at ang “Lando at Bugoy” para sa Cinemalaya 2016.
Mas direkta naman ang approach ni Paolo Villaluna, direktor ng “Pauwi Na” sa kanyang obra.
“Sa “Pauwi Na”, gusto kong ipakita na Manila is not only a viable option for livelihood para sa isang pamilya na ang hangad ay pumunta sa probinsiya dahil wala na silang oportunidad o hindi na sila maka-survive sa city. It’s a road movie, a journey about life and faith, na may criticism about Catholicism at iba pang issues”.
Ang mga filmmakers na ito ang magtutunggali sa kauna-unahang ToFarm Film Festival na naglalayong bigyang pugay ang ating mga bayani sa sariling bayan: ang mga magsasaka.
Mapapanood ang kanilang mga pelikula sa SM Megamall at SM North EDSA mula Hulyo 13 hanggang 19, sa SM Cabanatuan at SM Pampanga mula Agosto 24 hanggang 30, sa SM Cebu mula Septiyembre 14 hanggang 20 at sa SM Davao mula Oktubre 12 hanggang 18.
Ang kauna-unahang ToFarm Film Festival ay initiatibo ni Mrs. Milagros How, ang butihing executive Vice President ng Universal Harvester, Inc. sa pakikipagtulungan ng Production 56 at MPJ Productions with award-winning director Maryo J. delos Reyes as festival director.
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.