
Veteran actor Bembol Roco says his director could be Brocka’s successor
by Archie Liao
Muli na namang magpapakitang-gilas ang beterano at award-winning actor na si Bembol Roco sa pelikulang “Pauwi Na”, na kalahok sa kauna-unahang ToFarm Film Festival ngayong Hulyo.
“I play the role of Mang Pepe. Tatay ako na nag-udyok sa kanyang family na umuwi na sa probinsya, gamit ang tricycle pauwi. Iyong kuwento ay base sa isang article na lumabas sa Philippine Daily Inquirer. Noong mabasa ko iyong article, dinedicate ko iyong pelikula sa kanila. Bilib ako sa tibay nila at iyong perseverance nila”, bungad ni Bembol.
Ano ang mga ‘hurdles’ ninyo habang ginagawa ang pelikula?
“Mahirap siya considering na congested area ang city. Paikut-ikot kami ng Maynila ,pero enjoy kami dahil napaka-energetic at passionate ng direktor namin”, bulalas niya. “Actually, tinawid namin ang Commonwealth na halos naging sakit ng ulo ng mga pulis pero dahil sa crowd control at sa kooperasyon na rin nila, naidaos namin ang mga vital na eksena sa kalsada”, pahabol niya.
Babad din daw sila sa init ng araw at may mga pagkakataong inulan during the shoot.
“Ang naging kalaban namin ay ang panahon. Iyong pinagsamang init ng araw at ulan. Babad kasi kami sa kamera dahil may mga eksenang kinunan sa pedicab at sa kalsada, pero may holding area naman kami kung saan puwedeng magpahinga. All in all, sulit naman siya dahil malaki ang kumpiyansa namin sa direktor namin na napakagaling”, deklara niya.
Isa kang Brocka baby, paano mo ihahambing ang pakikipagtrabaho mo sa mga new breed or mga batang directors ngayon kumpara noong panahon ninyo ni Lino?
“Hindi ko kasi masyadong kilala iyong mga bagong sibol na director natin ngayon pero si Paolo (Villaluna), nakikita ko sa kanya ang mga qualities ni Lino. Feeling ko, puwede siyang maging Lino kasi na-impressed talaga ako sa kanyang vision at style bilang director. Nasa kanya ang passion at dedication ni Lino sa trabaho”,aniya.
Si Direk Paolo Villaluna ay isang award-winning filmmaker ng mga obrang na nakilala sa kanyang mga obrang “Selda”, “Ilusyon” at “Walang Hanggang Paalam”.
Speaking of your sons, Felix and Roco, how do you get along?
“Okey na kami ng mga anak ko. Matagal nang okey. Iyong namang di pagkakaunawaan, natural lang iyon sa isang pamilya”, pagbubulgar niya.
Kinukunsulta ka ba mga anak mo pagdating sa mga roles at mga projects na ginagawa nila?
“Actually, malaki ang tiwala ko sa mga anak ko. Proud ako sa mga achievements nila. They have their own style. Kung nagkikita nga kami, minsan napag-uusapan”, sey niya.
Aminado rin si Bembol na gusto niyang makasama sa isang proyekto ang kanyang kambal.
“Noong una, may nag-offer, pero hindi siya nag-materialize. But I’m willing to do a project with them”.
Nasa cast din si Bembol ng pelikulang “Smaller and Smaller Circles” ni Raya Martin na produksyon ng Articulo Uno, Buchi Boy at Tuko Films na nag-prodyus ng highest grossing Pinoy historical epic of all time– ang “Heneral Luna”.
Masaya rin si Bembol dahil reunited siya sa “Pauwi Na” with one of her favorite leading ladies na si Cherie Pie Picache na gumaganap na asawa niya sa pelikula na nakasama niya noon sa acclaimed Cinemalaya film na “Isda”.
Ang “Pauwi Na” ay isang road movie tungkol sa isang pamilyang nagnanais umuwi ng probinsya upang hanapin doon ang kanilang paraiso na ipinagkait sa kanila ng lungsod.
Bukod kay Bembol Roco, kasama rin sa cast sina Cherie Pie Picache, Meryll Soriano, Jerald Napoles, Jess Mendoza at Chai Fonacier.
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.