
Coco Martin lauds brother Ronwaldo’s performance in “Pamilya Ordinario”

Nagsisisimula nang mapansin ang indie actor na si Ronwaldo Martin, ang nakababatang kapatid ng Kapamilya primetime king na si Coco Martin.
Nakita ang kanyang malaking potensyal sa mga pelikulang “Laut” at “My Life With A King” kung saan sa huli ay naging nominado pa siya sa Young Critics Circle para sa kanyang makabuluhang pagganap sa nasabing Kapampangan film.
Dahil abala si Coco sa kanyang teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” at sa kanyang iba pang proyekto, wala siyang pagkakataon para mapanood ang mga pelikulang nagawa na ni Ronwaldo.
Kinukunsulta ka ba ni Ronwaldo sa mga proyekto at mga roles na ini-o- offer sa kanya?
“Oo naman”, ani Coco.
Ano ang advice na ibinibigay mo sa kanya?
“Ang sinasabi ko lang lagi, hindi ka pababayaan ng lahat ng mga kasamahan mo sa indie. Gusto kong daanan niya iyong proseso. Ayokong manghimasok. Ayokong makialam. Ayoko siyang turuan. Gusto kong ma-discover niya sa sarili niya kung anuman ang itinatago niyang talento”, pagtatapat niya.
Nang dumalo si Coco ng gala night ng Cinemalaya entry na “Pamilya Ordinaryo” ni Eduardo Roy, Jr. kamakailan, tinanong namin siya kung ano ang reaksyon niya sa naging performance ng kapatid.
“Actually, nagulat nga ako kasi ayoko siyang i-guide. Gusto kong lumabas ang pagiging natural niya. Gusto ko lang na ma-discover niya ito sa sarili niya. Lagi lang pangaral, gabay kung ano ang maitutulong ko sa kanya. In terms of acting, ayoko siyang turuan. Gusto kong mag-explore siya. Gusto kong pagdaanan niya ang pinagdaanan ko before”, pahayag ni Coco.
Ano ang assessment mo sa performance ni Ronwaldo sa “Pamilya Ordinaryo”?
“Honestly, sobrang proud ako. Parang nakikita ko ang sarili ko sa kanya noong nagsisimula pa lang ako. Sabi ko nga, parang mas magaling pa siya sa akin”, bulalas niya.
Nasabi sa akin ni Ronwaldo na gusto ka raw niyang makasama sa isang proyekto. Anong masasabi mo rito?
“Marami na akong concept na babagay sa aming dalawa, pero sabi ko nga, gusto ko munang pahinugin siya lalo na sa indie. Marami siyang matututunan sa indie. Lalong lalawak ang pagtingin niya sa trabahong ito”, aniya.
Willing ka bang ipag-produce si Ronwaldo ng indie?
“Tulad ng nasabi ko, gusto kong lumalim bilang actor sa paggawa ng indie”, pagwawakas ni Coco.
Si Ronwaldo ay isa sa mga malakas na contenders sa best actor category sa Cinemalaya 2016 para sa kanyang makatotohanang pagganap sa papel ni Aries sa “Pamilya Ordinaryo” bilang isang batang amang nabubuhay sa pagnanakaw sa magulong lungsod.
Bukod sa “Pamilya Ordinario”, kasama rin si Ronwaldo sa cast ng isa pang Cinemalaya entry na
“Tuos” na pinagbibidahan ng Superstar na si Nora Aunor at Barbie Forteza sa direksyon ni Derick Cabrido.