
Joem Bascon shares his recipe for life

Memorable sa Kapamilya actor na si Joem Bascon ang muling pagsasama nila ng award-winning actress na si Judy Ann Santos sa pelikulang “Kusina” nina David Corpuz at Cenon Palomares.
“First time ko kasing nakatrabaho si Juday sa MMK sa ABS so, itong comeback niya ay napakalaking bagay sa akin dahil muli ko na naman siyang nakasama. before iyong “Habang May Buhay”, pagbabalik-tanaw niya.
Ano ang mga bagong nadiskubre mo kay Juday sa muling pakikipagtrabaho mo sa kanya ngayon?
“Before kasi, talagang mahusay na siyang aktres pero nadagdagan ang paghanga ko sa kanya noong naging maybahay na siya. Noong nag-asawa na kasi siya, naging motherly na siya. Iyong pag-aaruga niya sa kanyang pamilya makikita mo rin kung paano niya kami inaasikaso sa set, so talagang nakaka-touch. Laging may piging siya sa set at binubusog niya kami dahil magaling naman talaga siyang magluto”, pagbubunyag niya.
Nagluluto ka rin ba?
“Nagluluto ako ng adobo. Nag-eeksperimento ako sa bahay pero it’s more of my girlfriend who cooks”, aniya.
Ano ang favorite dish mo?
“Sinigang ang favorite kong dish. Noong malaman ko ngang sinigang ang ise-serve sa akin ni Juday who plays my wife doon sa mga eksena namin, natuwa ako dahil weakness ko talaga ang sinigang lalo na kung sinigang na baka”, bulalas niya.
May mga kuwento ka ba o paniniwala sa pagluluto na gusto mong i-share sa amin? O tips para sumarap ang pagluluto?
“Ang pagluluto kasi apektado ng ating mga emosyon. Di ba minsan, kapag nag-aaway kayo ng partner mo o girlfriend o kasama mo sa bahay, iyong niluluto mo nagiging matabang minsan, mapait o kaya naman ay nagiging maalat. Kapag naman inspired ka, nararamdaman din iyon ng mga kasamahan mo sa niluluto mo dahil lumalabas iyong sarap. Tulad din sa pag-arte, minsan kapag blooming iyong tao, sinasabi mo “Oy, blooming siya kaya hindi siya makaiyak o makaarte”, paliwanag niya.
“So, para sumarap ang pagluluto, dapat ‘good vibes’ lang at inspirado ka sa ginagawa mo, iyong ibinibigay mo kasama ang puso mo. Iyong ginagawa mo na may halong pagmamahal para sa mga taong ipinagluluto mo. Iyong in good terms ka at peace ka sa lahat ng tao at walang dinadalang bagahe habang nagluluto”, pagtatapos niya.
Papel ni Peles, asawa ni Juday, ang ginagampanan ni Joem Bascon sa “Kusina” nina David Corpuz at Cenon Palomares na kalahok sa 2016 Cinemalaya filmfest.
Bukod sa “Kusina”, abala rin si Joem sa paggawa ng “Across the Crescent Moon” kasama sina Jericho Rosales at Jasmine Curtis-Smith. Nasa cast din siya ng “Kasunduan” ni Lawrence Fajardo kasama si Ejay Falcon para sa Cinebro.