
Mother Lily, happy and fulfilled at 77!
77 years old na pala si Mother Lily. Sa edad niyang ito ay mukha pa rin siyang malakas at in good shape pa rin siya. Ganado pa rin siya sa pagtatrabaho at halata sa kaniyang mukha ang kasiyahan.
Ang nakatutuwa sa kaniya ay pinanindigan niya ang patuloy na paggawa at pagpo-prodyus ng pelikula kahit hindi na siya gaanong kumikita dito. Ito na rin ang masasabing tungkulin niya para makatulong sa mga manggagawa ng pelikulang Pilipino.
Sa kaniyang pagsusumikap at pagtataguyod, narating ng Regal Films ang 50 years na hanggang ngayon ay nagbibigay ng entertainment at mga makabuluhang pelikula sa publiko. Hindi biro ang limang dekada na kahit dumaan ng unos, problema at mga pagsubok ang kaniyang kumpanya ay nagpatuloy siya kahit ngayon ay mga malalaking network na ang kaniyang mga kasabayan.
Sa totoo lang, malaki ang kontribusyon ni Mother Lily at ng Regal Films na rin sa kinalalagyan ngayon ng ABS-CBN. Kanino bang mga artista ang ginamit noong nagsisimulang umangat ang Kapamilya Network? Ano bang mga programa ang mga top rated shows noon sa Dos? Diba mga prodyus ng Regal?. Nandiyan ang Regal Presents, Palibhasa Lalaki, mga programa ni Maricel Soriano at marami pang iba.
Sa Regal din nahasa ang mga line producers at executive producers na ngayon ay pinapakinabangan na ng kumpanyang Star Cinema ng ABS-CBN. Tunay nga namang napakalaki ng bahagi niya sa pagsulong ng tv industry kaya naman hindi lamang siya haligi ng showbiz industry kundi isa na rin siyang institusyon.
Ngayong papunta na siya sa walong dekada niyang buhay at ang Regal naman ay maglalakbay pa ng maraming taon, inaasahan pa rin ang patuloy niyang pagyakap katulong ng kaniyang anak na si Roselle Monteverde sa isang trabaho na hindi lamang nagsilbing bread and butter ng kanilang pamilya kundi isang tungkulin at misyon na ring maituturing na iniatang sa kaniyang balikat.
Napi-pressure daw ang Kathniel loveteam sa pagpapalabas ng kanilang bagong pelikula sa Star Cinema na “Barcelona .. The Love Untold”.
Ayon sa tsika kailangan daw kasing mahigitan o mapantayan ng kanilang loveteam ang mga pelikula ng Aldub, Lizquen at Jadine na ipinalabas at tumabo ng limpak limpak na salapi sa takilya.
Ang paghi-hit ng kanilang pelikula ang pwedeng maging basehan kung talagang sila pa rin ang nangungunang loveteam ng bansa. Pressure din itong maituturing sa kanilang mga fans kaya ngayon palang ay naghahanda nang sumuporta ito sa kanilang pelikula at balitang inaayos na nila ang 100 daw na block screenings. Talbog!