
Dan Fernandez misses doing films
Ramdam na ramdam talaga ang pagmamahal ng mga taga-Laguna kay Dan Fernandez. Nag-umpisa ang political career bilang Vice-Governer na lumundag bilang congressman at ngayon ay bilang Mayor ng San Pedro, Laguna.
Isa lang naman ang ibig sabihin ng mga ito kung bakit pinagkakatiwalaan siya ng mga tao kasi mayroon siyang nagagawa sa kaniyang mga nasasakupan at tunay ang kanyang paglilingkod sa bayan.
At kahit abala siya sa kaniyang pagiging public servant, hindi pa rin nakakalimutan ni Dan ang showbiz. Kung meron din namang pagkakataon at panahon ay umaarte pa rin siya. Sabi nga niya nang huli naming makausap, palagi raw niyang nami-miss ang paggawa ng pelikula at paglabas sa telebisyon.
Huling napanood ang actor-politician sa pelikulang “Honor Thy Father” kasama si John Lloyd Cruz. Sa naturang pelikula ay pinuri ang kanyang pag-arte bilang pangalawang aktor.
Sa pelikula ring ito na naging kontrobersiyal sa Metro Manila Film Festival 2015 ay naging daan upang baguhin ang ilang pamantayan at pagpili ng pelikula sa MMFF na naging katuwang siya para sa pagbabagong bihis ng festival nang siya pa ay nasa Kongreso.
Isa si Dan sa mga artistang pumasok sa pulitika na may malasakit at pagpapahalaga sa film industry kung saan siya nagmula kaya naman palagi niyang sinasabi na hindi niya iiwan ang nagbigay ng pangalan at ng posisyong meron siya ngayon.
Napanood namin ang pelikulang “That Thing Called.. Tanga Na” ni Joel Lamangan. Okey naman ang pelikula at entertaining. Super aliw kami ng kaibigang Rommel Placente at Mildred Bacud sa mga eksena nina Eric Quizon at Kean Cipriano na gumaganap na mga bading sa pelikula.
Dahil tungkol sa kabadingan ang pelikula, makikita dto ang ibat-ibang kuwento ng pakikipagsapalaran, katangahan, tagumpay, pagkakaibigan at kabiguan ng mga nasa Ikatlong lahi.
Bukod kina Kean at Eric na talaga namang nag-shine sa pelikula, magaling din ang mga gumanap na bading na sina Billy Crawford at Martin Escudero. Dissapointed lang kami kay Angeline Quinto dahil marami siyang eksena na nakornihan kami. Siguro dahil hindi naging maganda ang role na napunta sa kaniya maging mga eksena at dialogue.