
Vin Abrenica confirms he hasn’t fully received his prize in “Artista Academy”
Tinanghal na best actor at male grand champion sa “Artista Academy”, ang artista talent search ng TV5, ang dating Kapatid actor na si Vin Abrenica na ngayon ay isa nang Kapamilya.
Ayon kay Vin sa Presscon kahapon ng pelikulang Hermano Puli, totoo ang sinabi ng kanyang ex-girlfriend na si Sophie Albert na hindi pa naibibigay sa kanila nang buo ang kanilang premyong napalunan na nasabing talent search show.
“Kung nakikinig lang sana ang DTI, sana kahit papaano, malaking help siya sa amin. I believe a prize is still a prize, and I think deserved naman namin iyon dahil pinaghirapan naman namin”, himutok ni Vin.
Nakausap na ba ng manager mo ang TV5 tungkol dito at ano ang binabalak ninyong gawin?
“Ako kasi, ayoko na ang gulo. P10 million iyong guaranteed prize. Naibigay iyong P1 milyon na cash, tapos iyong second hand car pati na iyong condo pero iyong P5 million guaranteed contract prize, hindi naibigay”, kuwento niya.
Dagdag pa ni Vin, nanghihinayang siya sa naging kapalaran ng TV5 na sa kasalukuyan ay marami nang talents na naglipatan sa ibang network dahil hindi na nagpro-produce ng mga entertainment shows at nagku-concentrate na sa sports.
“Siyempre, I consider TV5 as my home dahil doon ako natuto. Sila iyong roots ko, pero today, I consider ABS-CBN my wings. Kailangan natin ng trabaho at ang ABS ang nakapagbibigay sa akin noon”, paliwanag niya.
Nararamdaman mo ba ang kumpetitisyon sa bakuran ng Dos?
“Malakas ang kumpetisyon sa ABS. Sa totoo lang, maraming magagaling sa kanila. Pero ako naman ang ikinu-consider kong pinakamalaking kalaban is myself because I want to learn and as an actor, I don’t want to stop learning”, aniya.
Happy rin si Vin na isang Regal baby na ang kanyang dating girlfriend at Artista Academy winner na si Sophie Albert.
“Masaya ako sa news na may nangyayari sa dream niya. It’s her dream kaya nga siya sumali sa Artista Academy at magaling naman talaga siya”, sey niya.
Inamin din niyang walang third party na sangkot sa kanilang hiwalayan ni Sophie.
“It’s a mutual decision. Nagte-text pa naman kami sa isa’t isa. Nag-uusap din”, paglilinaw niya.
May chance pa ba na magkabalikan sila?
“Hindi ko sinasabi na walang chance pero as of now, concentrate muna kami sa aming mga careers, kasi napag-usapan namin iyon”.
Open din si Vin na makatrabaho si Sophie na kahit Regal baby na ay posibleng makagawa ng pelikula sa Star Cinema.
“I would be happy to given the chance to work with her. At least, open na kayo at kumportable sa isa’t-isa dahil kilala n’yo na ang isa’t-isa kahit hindi pa niya leading man”.
Proud si Vin dahil kasama siya sa historical epic na “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli” ni Direk Gil Portes na sinulat ng award-winning writer na si Eric Ramos at iprinudyus ng T-Rex Productions ng entrepreneur turned movie producer na si Rex Tiri.
“Iba kasing kasama si Kuya. Iba iyong kami lang sa bahay pero kapag magka-eksena na kami, mararamdaman mo talaga iyong passion niya sa trabaho niya na para siya talagang sinapian ng totoong Hermano Puli kaya proud ako sa kanya”, deklara niya.
Nilinaw din ni Vin na walang nangyaring sapawan sa mga eksena nilang magkakapatid kasama ang kanilang bunsong si Allen sa pelikula.
“Siyempre, pelikula ito ni Kuya (Aljur) at happy kami ni Allen sa pagsuporta sa kanya”, pagwawakas ni Vin.
Ang “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli” ay isa sa siyam na kasama sa shortlist ng pinagpipilian ng Film Academy of the Philippines na ipadala sa Oscars 2017 para sa kategoryang best foreign language film category.
Bukod kina Aljur at Vin, kasama rin sa cast sina Louise de los Reyes, Kiko Matos, Markki Stroem, Enzo Pineda, Dennis Coronel, Alvin Fortuna, Jess Evardone, Benjie Felipe, Abel Estanislao, Allen Abrenica, Menggie Cobarubias, Diva Montelaba, at marami pang iba.
Ito ay mapapanood na sa mga piling sinehan sa buong bansa simula sa Septiyembre 21.
As of press time ay kinukuha pa namin ang panig ng Artista Academy at ng pamunuan ng TV5 hinggil sa usaping ito.