
Aljur Abrenica says playing Hermano Puli deepened his artistry and spirituality
Malaking sakripisyo sa Kapuso actor na si Aljur Abrenica ang kanyang pagganap sa role ni Apolinario de la Cruz o Hermano Puli sa historical epic na “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli” ni Gil Portes.
“Nag-diet talaga ako kasi kailangan kong magpapayat para sa role ni Hermano Puli. Ito iyong project na talagang ‘hands-on’ ako kasi very special siya para sa akin”, aniya. “Nag-aral din ako ng history at bago pa man mag-shoot ay nag-research ako at nag-ocular sa Quezon”, pahabol niya.
Role of a lifetime para kay Aljur ang “Hermano Puli”.
“Gusto kong mag-iwan ng legacy lalo na sa younger generation natin kasi feeling ko, iyong kuwento ni Hermano Puli ay dapat na mai-share sa kanila. Puno siya ng magagandang aral at kapupulutan ng inspirasyon sa buhay”, bida niya.
Ayon pa kay Aljur, ang pinakamalaking hamon sa kanya sa “Hermano Puli” ay ang paghahanap nila ni Direk Gil Portes ng producer na mag-i-invest dito.
“Marami ring pinagdaanan ang project bago pa siya nag-materialize. Thankful ako kay Sir Rex (Tiri) dahil sa pagtitiwala niya sa proyekto at kay Direk Gil (Portes) para sa pagkakataon na magampanan ko ang buhay si Hermano Puli”, sey niya.
Aminado rin siya na todo ang ginawa niyang immersion sa pagtalakay ng martir na tagapagtatag ng Cofradia de San Jose, isang kapatirang pang-relihiyon.
“Minsan, nagkukulong ako sa kuwarto ko para mapag-isa, kasi gusto ko na sineseryoso siya. Nagbabasa ako ng mga libro, ng Bibliya. Gusto kong maramdaman iyong pinagdaanan niya, iyong misteryo ng pagkatao niya dahil si Hermano Puli na itinuturing na Kristo ng mga Tagalog is a very spiritual person at namatay siya dahil sa pananampalataya niya”, pagbabahagi niya.
Ayon pa kay Aljur, nag-practice din daw siya in a way, ng ‘vow of celibacy’ tulad ni Hermano Puli.
“Walang lovelife, diyeta sa lahat. Ito talaga iyong naging ‘focus’ ko”, saad niya.
Malaking bagay din daw kay Aljur si Hermano Puli dahil nadagdagan ang kanyang ‘spirituality’.
“Dumating siya noong mga panahon na may pinagdadaanan ako, sa sarili ko at sa career ko. Noong nabasa ko at nalaman ang buhay, lumalim ang paniniwala ko sa Diyos at sa mga pananaw ko sa mga bagay-bagay. Naging inspirasyon ko ang kabayanihan at katapangan niya para lalo pa akong magsikap at lumaban sa buhay”, pahayag niya.
Hindi rin nahirapan si Aljur sa kanilang mga eksena ng kanyang ex na si Louise delos Reyes.
“I think, pareho na kaming mature ni Louise. Pinagdaanan na rin naman namin lahat. Iyong mga insecurities, frustrations, selos at pareho na kaming nakapag-move on.”
Dagdag pa ni Aljur, malaking tulong din si Hermano Puli para mailabas niya ang sining niya sa katawan.
Sa ngayon ay ginawa na niyang artists’ hub ang kanyang bahay kung saan nagtatagpo ang iba’t-ibang alagad ng sining tulad ng mga painter, sculptor, filmmaker at iba pa.
“We invite artists. Merong film viewing, poetry reading,mini exhibit at iba pa. It’s a place where artists could gather and interact with one another and talk about arts. It’s a place where artists could be their selves, a space na open for learning and education sa industry”, pagwawakas niya.
Proud ding ibinalita ni Aljur na tinulungan siya ng magaling at premyadong director na si Richard Somes sa pagdidisenyo nito.
Mula sa produksyon ng T-Rex Productions ,ang “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli” ay mula sa panulat ng Palanca award-winning screenwriter na si Eric Ramos at sa direksyon ng beterano at award-winning director na si Gil Portes.
Tampok si Aljur Abrenica bilang Hermano Puli, kasama rin dito sina Vin Abrenica,Louise de los Reyes, Kiko Matos, Markki Stroem, Enzo Pineda, Dennis Coronel, Alvin Fortuna, Jess Evardone, Benjie Felipe, Abel Estanislao, Allen Abrenica, Menggie Cobarubias, Diva Montelaba, at marami pang iba.
Ito ay mapapanood na sa mga piling sinehan sa buong bansa simula sa Septiyembre 21.