May 23, 2025
How FPJ’s Ang Probinsyano changed every Kapamilya
Featured Latest Articles

How FPJ’s Ang Probinsyano changed every Kapamilya

Sep 30, 2016

Malayo na ang narating ng toprating Kapamilya teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” mula nang magsimula itong eere noong Setyembre, 2015.

Sa kasalukuyan, hawak pa rin nito ang pinakamataas na nationwide rating ng isang programa na 46.7%  na naitala noong Pebrero ngayong taon.

Bibihira sa isang teleserye na umabot ng isang taon dahil maituturing nang napakalaking achievement ang pamamayagpag nito sa primetime araw-araw.

Dahil pinakaabangan ang mga pasabog, mga kuwentong itinatampok, mga makabuluhang pagganap ng cast at magagandang aral na hatid, ang  FPJ’s Ang Probinsyano ay naging bahagi na ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa FPJ’s Ang Probinsyano, ipinapakita ang mga magandang values tulad ng pagmamahal sa pamilya, trabaho at sa bayan.

Bilang Cardo at Ador, naging huwaran si Coco na gustong tularan ng mga kabataang nangangarap na maglingkod sa bayan nang walang pag-iimbot at buong katapatan.

Para sa Queen of  Philippine Movies na si Ms. Susan Roces, ito ay katuparan ng kanyang pangarap na maipagpatuloy ang nasimulan ng kanyang namayapang asawang si Da King, Fernando Poe, Jr.

Para kina Eddie Garcia, Jaime Fabregas at Albert Martinez, ito ay isang pagkakataon para muling makasama nila ang paborito nilang aktor na si Coco Martin na nakatrabaho nila sa “Juan dela Cruz”.

Para sa kanyang mga leading ladies na sina Bela Padilla, Maja Salvador, Yassi Pressman at iba pa, ito ay isang oportunidad para mapanday pa ang kanilang sining at matuto sa multi-awarded actor.

Para kay Arjo Atayde, ito ang pintong nagbukas sa kanya para makilala siya bilang isang mahusay na character actor at tanghaling best supporting actor sa PEP List.

Para kay Pepe Herrera, ito ay naging behikulo upang mapamahal siya sa masa at kilalanin siyang “Pambansang Sidekick”.

Para kay Mcneal “Awra” Brujuela aka Macmac, ito ang hudyat ng bukangliwayway para mapansin ang kanyang talino hindi lamang sa social media kundi sa pelikula at telebisyon sa isang programang nagbibigay ng patas na oportunidad sa lahat na hindi alintana ang kasarian o sekswalidad.

Para kay Simon “Onyok” Pineda, ito ang naging daan upang makapagpundar siya at makaipon para sa kanyang kinabukasan sa kanyang murang edad.

Anupa’t marami na ang naabot at patuloy na naaabot ng FPJ’s Ang Probinsyano dahil hindi lamang nito binago ang ating pagtingin sa mga bagay-bagay kundi binago rin nito ang buhay ng  ating mga  tauhang bumubuo ng kuwento nito pati na ang mga taong kasama sa produksyon.

Patas at balanse, gender sensitive rin ito at sensitibo sa mga isyung panlipunan na maingat na sinasaliksik ang bawat kuwentong inihahatid ng magaling nitong creative team.

Bukod sa inspirasyon dahil sa pagpapahalaga nito sa pamilya at sa kulturang Pilipimo, ito rin ang kauna-unahang programa na nagbibigay ng mga ‘ligtas tips’ para sa bawat Kapamilya dahil hindi lang nito misyong magbigay ng aliw kundi iniisip din nito ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Hindi na rin mabilang ang pagkilalang natanggap nito sa  iba’t-ibang prestihiyosong award giving bodies tulad ng Gawad Tanglaw, Anak TV, Paragala ,UmalohokJuan at iba pa.

Dagdag pa rito, may mga outreach programs din ito tulad ng pagbibigay ng tulong sa ating mga kapulisan, sa mga taong kapuspalad at nangangailangan tulad ng mga nasunugan at mga batang nangangailangan ng mga gamit pang-eskuwela sa pamamagitan ng programa nitong Oplan Balik Eskuwela at iba pa.

Kinilala rin ng Kongreso ang Idol ng Masa na si Coco Martin bilang Celebrity Advocate for a Drug Free Philippines dahil sa pagpapalaganap nito ng crime awareness at prevention sa ating mga Kapamilya.

Sa pagpasok ng ikalawang taon nito, marami pang handog na pasabog ang FPJ’s Ang Probinsyano na mas pinaigting at mas kapana-panabik ang mga episodes.

Dahil sa patuloy nitong pananatili bilang numero unong teleserye ng bansa, nagbibigay-pugay ang  Dreamscape Entertainment sa bawat pamilyang Pilipinong kasa-kasama ng FPJs Ang Probinsyano sa kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng isang concert sa Oktubre 8 sa Araneta Coliseum dahil para sa kanila ang mga ito ang tunay na bida.

Mula sa akin, sa aming patnugot at sa bumubuo ng Philippine Showbiz Republic, maligayang anibersaryo, team FPJ’s Ang Probinsyano!  

 

Leave a comment