
Indie actress Elora Españo shares her concept of purgatory
Isa ang indie actress na si Elora Españo sa mga bida ng pelikulang “Purgatoryo” ni Derick Cabrido na siya ring director ng acclaimed Cinemalaya movie na “Tuos” nina Nora Aunor at Barbie Forteza.
Ikalawang pagkakataon na ni Elora na mahawakan ni Derick.
“First namin sa Tuos. Second na itong Purgatoryo,” kuwento niya.
Ayon pa kay Elora, magkaibang-magkaiba ang “Tuos” at “Purgatoryo” dahil hindi mo makikita rito ang tatak na iniwan ng kanyang director sa pelikulang nanalo ng Audience award sa nakaraang Cinemalaya.
“Iyon kasing Tuos is very silent samantalang itong Purgatoryo is very loud, kasi ang dami niyang characters. Ensemble cast dito,” paliwanag niya.
Challenging para kay Elora ang role niya rito dahil first time niyang gumanap ng isang con woman.
“Syndicate kasi kami rito na gumagawa ng ‘fake’ lamay. So pag may lamay, may illegal gambling. Tapos isa ako sa mga crying ladies na kasabwat nila”, aniya. “The movie tackles iyong iba’t ibang klaseng sins like lust, envy, wrath,” dugtong niya.
Dagdag pa niya, hindi raw ito kinopya sa Hollywood movie na “Seven.”
“It’s entirely different. Madalas kasi na ang setting namin ay sa morgue. Iyong central character na si Ilyong played by Chrome Cosio. Napatay siya ng mga pulis pagkatapos nahuli siyang nagnanakaw. Iyong death niya, doon nag-start iyong complex relationship niya sa amin,” bida niya.
Naniniwala ka ba sa purgatoryo?
“Yes. Pero, it’s not really something na mapupuntahan mo. Purgatory for me, is a process where you have to pay for your sins,” malaman niyang pahayag.
O sa konsepto ng Catholic church sa purgatoryo?
“I’m a Christian, not a Catholic. I understand, meron nga silang belief tungkol doon. But, as I have said, purgatory is not a physical place where souls go. It’s happening while you’re still living. Right now, it’s happening, dahil kapag may ginawa kang masama may mangyayari ring masama sa iyo, sort of karma,” sey niya.
Do you believe also in plenary indulgence?
“Iyong praying for your forgiveness para hindi mapunta sa impiyerno. Not necessarily ganoon ang paniniwala ko. I do pray but it doesn’t end there. I believe that you have to do something for what you have sinned,” pagtatapos niya.
Sa “Purgatoryo”, kabituin ni Elora sina Bernardo Bernardo, Kristofer King, Jess Mendoza, Mara Lopez, Lou Veloso, and Arnold Reyes, Japo Parcero, Che Ramos-Cosio, Chrome Cosio, at Rolando T. Inocencio.
Ang “Purgatoryo” ay isa sa pitong kalahok sa Circle Competition section ng 4th Quezon City International Film Festival na mapapanood mula Oktubre 13 hanggang 22 sa mga piling sinehan sa Quezon City.
Bukod sa “Purgatoryo”, kasama rin si Elora sa cast ng erotic drama thriller na “Siphayo” kung saan hindi siya nagpatalbog sa pagpapa-sexy kay Nathalie Hart.