
Martin del Rosario says he’s curious of Pinoy mythical creatures
Hindi malilimutan ng award-winning actor na si Martin del Rosario ang indie scene dahil ang unang tropeo niyang natanggap bilang best supporting actor ay mula sa pelikulang “Dagitab” ni Giancarlo Abrahan na naging kalahok sa 2014 Cinemalaya Independent Film Festival.
Kaya nga kung may offers sa indie films at makabuluhan ang roles, bukas lagi ang pinto ni Martin para tanggapin ito.
“It’s my way of paying back kasi sa indie ako nagka-award . Itong QCinema, indie rin siya at maganda iyong role at kakaiba iyong kuwento,” panimula niya.
Ayon pa kay Martin, nagustuhan niya ang tema ng “Manananggal sa Unit 23B”, ang pelikula niyang kalahok sa Circle Competition ng 2016 QCinema.

“Na-excite ako dahil first time na mata-tackle ang manananggal na modern love story na pang-millennial and at the same time in a different way . Kasi pag sinabi nating manananggal nakakatakot. Dito, lighter ang approach pagdating sa mga bagay na hindi naman talaga kababalaghan,” aniya.
Challenge rin sa kanya ang role ni Nico sa pelikula.
“Ako iyong heartbroken. Na-in love sa akin iyong manananggal. Siyempre at first, hindi ko alam. Kasi feeling ko lahat ng tao, iniiwan ako, pati na iyong tatay at nanay ko. Kaya nga gustong kong laging nananalo pero natatalo ako,” paglalarawan niya sa kanyang role.
Dagdag pa ni Martin, nakaka-relate siya sa kanyang role dahil sa tunay na buhay ay nasawi na rin siya sa pag-ibig.
“Kapag fresh na fresh pa iyong breakup, in denial ka pa. Para sa akin, noong una, lagi akong galit. Iyong feeling na minsan parang gusto mo pang umasa kahit wala na. Iyong first month, iyong tipong mababaliw ka. Pero as time goes by, kapag natanggap mo na, unti-unting nakaka-move on ka na,” hugot niya.
Tungkol naman sa mga mythical creatures sa Pinoy folklores, aminado siyang naku-curious siya sa mga ito.

“Gusto kong paniwalaan dahil matagal na rin akong curious sa lahat ng monsters sa ating folklores sa Pilipinas. Interesting din sa akin sa lahat ang manananggal dahil siya iyong nahahati ang katawan at lumilipad,” paliwanag niya.
Hindi naman ikinaila ni Martin na may mga intimate scenes sila ni Ryza sa pelikula pero hindi raw naman sila nagkaroon ng ilangan.
“Kumportable kasi kami sa isa’t-isa dahil nagkatrabaho na kami at si Ryza sa “Buena Familia”. Actually, makulit siya sa set pero magaan siyang katrabaho,” paglilinaw niya.
Nag-enjoy naman si Martin na makatrabaho ang new breed director na si Prime Cruz.
“Chill siyang katrabaho. Bago kami mag-shoot, pinag-uusapan muna namin ang mga eksena para alam na namin ang execution,” aniya. “Binibigyan niya ako ng freedom na i-interpret iyong character ko na kahit complex ay very challenging,” pagwawakas niya.
Bukod sa “Manananggal sa Unit 23B”, malapit na ring mapanood si Martin sa Kapuso teleseryeng “Pinulot Ka Lang sa Lupa” kung saan gagampanan niya ang third wheel sa tambalang Julie San Jose at Benjamin Alves.