May 23, 2025
Superstar Nora Aunor goes back to her roots via “Hinulid”
Latest Articles

Superstar Nora Aunor goes back to her roots via “Hinulid”

Oct 17, 2016

Espesyal para sa Superstar na si Nora Aunor ang pelikulang “Hinulid” dahil maraming magandang alaala  itong dulot sa kanya.

“Natutuwa ako na ginawa ko ito sa lugar namin sa Bikol kung saan ako lumaki at nagkaisip”, aniya. “Proud din ako na nakagawa ng pelikula na ang dialogue ay Bikolano mula simula hanggang katapusan,”  pahabol niya.

Aminado rin siya na habang ginagawa niya ang pelikula ay maraming nanumbalik na alaala sa kanya.

“Naalaala ko iyong tren kung saan ako nagtitinda ng tubig na malapit sa plaza namin sa Iriga. Sa Naga naman kung saan ako sumali noon sa mga amateur singing contests  habang nakikipagsapalaran ako sa showbiz. Binalikan ko at nakita kong muli iyong lugar kung saan ako ipinanganak at nagkaroon ako ng pagkakataon na bisitahin uli iyong mga lugar na kinalakihan ko at makitang muli iyong mga dating kabarkada ko noong araw,” pagbabalik-tanaw niya.

Nakaka-relate rin siya sa kanyang role bilang Sita sa pelikula.

“Bilang ina, nakaka-relate rin ako sa pinagdaanan ni  Sita. Ako kasi iyong ina na mayroong anak na napunta kung saan-saan. Tungkol siya sa relasyon ng mag-ina at sa lalim ng pagmamahal ng isang ina,”  aniya.

hinulid-poster

Ang “Hinulid” ay kuwento ng paglalakbay ng isang ina sa tren patungong Bikol dala ang abo ng kanyang namayapang anak.

Masaya naman si Guy na nalilinya siya sa mga pelikulang may temang rehiyonal  tulad ng “Thy Womb”, “Ang Kuwento ni Mabuti”, “Tuos” at “Hinulid”.

“Maganda nga iyon dahil may mga istorya  tayo sa mga lugar na nagpapakita ng pamumuhay nila at may natutunan tayo sa kanilang mga kaugalian tulad na lamang ng mga pelikulang ginagawa ko kasama na ang  “Hinulid,”  pahayag niya.

Dagdag pa ni Guy, may pagka-spiritual daw ang pelikulang “Hinulid”.

“May pagka-spiritual dahil may mga  bagay lang na ipinakikita rito tungkol sa relihiyon, tungkol sa prusisyon, sa mga santo at iba pa. Actually, iyong ‘Hinulid ”ay tungkol  sa tatlong persona. Ipinakikita rin sa pelikula iyong  tungkol sa relasyon noong mag-ina na parang  Mary at Jesus at marami pang pilosopiya tungkol sa paniniwala, hustisya at siyensiya,” bida niya.

Ang “Hinulid” ay halaw sa  mga salaysay sa panitikang Bikolano tungkol sa  “Tolong Hinulid”, “Tandayag” at “La Muerte”.

Ang “Tolong Hinulid” ay tumutukoy sa tatlong istatwa ng patay na Hesus na matatagpuan sa Gainza, Camarines Sur. Ayon sa mga paniniwala, ang tatlong istatwang ito ay natagpuan sa isang misteryosong ilog sa Bikol.

Ang “Tandayag” naman ay isang dambuhalang hayop sa yungib sa kabundukan na naglalayag sa  karagatan ayon sa Bikol folklore.

Ang “La Muerte” naman ay isang santo na sumisimbolo sa kamatayan at sa mapayapang pagtawid ng isang namatay sa kabilang buhay mula sa mundo ng mga mortal.

Ang Hinulid ay ibinatay sa isang maikling kuwento na “The Night Train Does Not Stop Here Anymore” ng Bikolano author na si Carlos Ojeda Aureus.

Ito ay bahagi ng trilogy ni Kristian Cordero na nasimulan sa Cinemaone Originals movie na “Angustia”  na siya rin ang nagdirek.

Layunin ng pelikula na palaganapin ang interes ng mga Pinoy sa kultura at sining ng Kabikulan tulad ng mga akdang pang-rehiyonal na mayamang bukal para sa mga kuwentong pampelikula.

Pagtatapos naman ni Guy, nami-miss na niya ang pagkanta at excited na siyang magkaroon ng kanyang sariling concert. Plano niyang magpa-opera ng kanyang lalamunan pagkatapos na matapos ang kanyang mga showbiz commitments.

Leave a comment