
Film producer Dondon Monteverde trusts the new MMFF
Naging kontrobersyal ang pelikulang “Honor Thy Father” nang naging opisyal na kalahok ito sa taunang Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon.
Gumawa ito ng ingay nang ma-disqualify ito sa best picture race kahit nanalo pa ng ang acting awards ang mga artista nitong sina Meryl Soriano, Tirso Cruz III at child star na si Kristal Brimner at ilang technical awards sa 2015 MMFF.
Na-disqualify umano ang nasabing pelikula dahil naging opening film ito sa 2015 Cinemaone Originals at nauna nang naipalabas sa Hawaii International Film Festival na ayon sa dating pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang namamahala ng MMFF ay paglabag daw sa alintuntunin ng festival.
Dahil sa pagkakadiskwalipika nito sa best picture race, naging masalimuot ang lahat. Nagkaroon ng imbestigasyon sa Kongreso dahil sa panukalang inihain ng Laguna Representative Dan Fernandez na naglalayong imbestigahan ang mga anomalya sa Metro Manila Film Festival.
Nagkaroon ng revamp sa pamunuan ng Metro Manila Film Festival kasama na ang mga komite na humahawak nito.
Na-appoint ang mga miyembro mula sa iba’t-ibang sector at may mga nabago nga sa rules ng MMFF kabilang na ng pagsumite ng pelikulang tapos na sa halip na iskrip lamang bilang isa sa mga requirements para ma-qualify sa 2016 MMFF.
Sa darating nga na Nobyembre 18 ay ia-anunsiyo na ng selection committee ang mga nakapasok sa magic ‘eight’.
Kaugnay nito, kinunan namin ng pahayag ang movie producer na si Dondon Monteverde, executive producer ng Reality Entertainment at producer ng “Honor Thy Father” tungkol sa bagong pamunuan at patakaran ng MMFF.
“Siyempre, bigyan natin sila ng chance to grow. Mahirap namang i-judge sila kung ano iyong magagawa nila, dahil first nilang magkakasama in such a short time. It’s a new group. Bagong dynamics. Mahirap i-judge right away. You have to give them a chance”, aniya.
Nagpaliwanag din siya sa kalakaran sa film festival kung saan kapag mahina ang pelikula sa takilya ay agad itong tinatanggal sa mga sinehan at napapalitan ng mga nangunguna sa takilya.
“Dapat linawin kung ano ang motibo ng festival na ito. Kung earnings ba ito o para makatulong sa mga producers, para walang away-away later o walang reklamo. If for money ito, pag nandoon ka, puwede kang matanggal. If for the industry, dapat i-retain to give equal chance to producers to show what they produce. So, dapat i-retain at equally shared lahat sa mga cinemas”, pahayag niya.
Sa kaso naman ng Reality Entertainment, panuntunan nilang maghatid ng mga panooring hindi lang nakakaaliw kundi de-kalidad.
“May kasabihan nga na sa pagkain para hindi nakakasawa, dapat may mga bago tayong puwedeng ihain na iba-iba. You have to create a new market, maglabas tayo ng iba’t-ibang pelikula na mae-enjoy ng merkado”, sey niya.
Naniniwala rin siya na malaking boost sa local film industry kung ipatutupad nito ang quota system na prinapraktis na sa ibang bansa tulad ng Korea.
“Dapat lang siguro, protektahan ang local film industry. Like sa Korea, dahil sa quota system na ini-impose ang mga top money makers sa box office ay hindi ang mga foreign films kundi iyong mga homegrown movies nila. I think, makatutulong naman talaga kung talagang ipatutupad ito at gustong ipatupad ng concerned agencies tulad ng FDCP kung ito ang mandate nila”, paliwanag niya.
Ilan sa mga pelikulang naiprodyus ng Reality Entertainment ang “On The Job”, “Kubot: The Aswang Chronicles”, “Resureksyon” at “Honor Thy Father”.
May isinumiteng entry ang Reality Entertainment na pelikulang “Seklusyon”, isang horror-thriller tungkol sa isang retreat house ng mga pari sa 2016 Metro Manila Film Festival.
Excited din si Monteverde sa bago niyang proyekto: OTJ The Series, na isang collaboration ng Globe Studios, HOOQ at Reality Entertainment.
“Bagong platform ito dahil video-on-demand siya. Bagong content at bagong market and we’re happy to be part of the evolution nito sa market”, pagwawakas niya.
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.