
John Lapus believes being gay does not diminish his range as an actor
Isa sa mga bentahe ni John “Sweet” Lapus bilang actor ay ang kanyang versatility:puwede siyang lumabas ng support at puwede rin siyang magbida.
Pagkatapos ng kanyang lead roles sa “Moron 5 and the Crying Lady” at “Moron 5.2: The Transformation”, balik-bida siya sa pelikulang “Working Beks” ng Viva Films.
“Si Gorgeous kasi iyong karakter ko,is a representation ng 60 to 70% of the beks population na nagtratrabaho para sa pamilya. Siya iyong bumubuhay sa kanyang pamilya, tiyahin, mga pamangkin at mga kapatid”, bungad niya.
“Working Beks” ang titulo ng pelikula dahil tungkol ito sa mga buhay ng mga beking nagtratrabaho.
“ Lahat ng bakla, nagtratrabaho. Walang baklang tambay at iyon ang maipagkakapuri mo sa kanila. Lahat mga working beks kahit iyong mga baklang bugaw. Kahit nga mga baklang snatcher meron rin, pero at least nagtratrabaho. Sila kasi ang inaasahan ng kanilang mga pamilya, pamangkin at dyowa dahil sa Pilipinas pag wala kaming pera wala rin kaming boyfriend”, aniya.
Dagdag pa niya, nakaka-relate daw siya sa kanyang role bilang Gorgeous sa pelikula.
“Ako sa tunay na buhay, apat lang tinutulungan ko, hindi katulad ni Gorgeous na mga 20 ‘ata iyong tinutulungan. Ang role din niya ay hindi siya maganda at hindi nagpapaganda. Deglamorized siya dahil nagtratrabaho siya sa carinderia. Hindi nga siya masyadong nagsasalita dahil ang ginagawa niya ay luto, hugas pinggan, kayod nang kayod. Pero on the other side, fan siya ng matinee idol at artistang si Champ played by Edgar Allan na isang closet gay. Magugulat kayo dahil siya iyong pinaka-sympathetic na character na may puso sa limang beks. Kahit comedy ito, si John Lapus ay magpapaiyak at hindi magpapatawa rito”, paglalarawan niya.
Ayon pa kay, Sweet, bilang isang beki nakaranas na rin siya ng diskriminasyon sa trabaho noon.
“Noong bago-bago pa ako, hindi pa uso noon ang mga bakla sa TV noong mid-90s. Minsan tatawagan ka, para magtaping o mag-shoot sa isang role, tapos pagdating mo, iba na pala, napalitan ka na pala. Tapos iyong mga roles mo, lalakeng lalake rin. Kumbaga, hindi pa ganoon kalaki o halos walang opportunity para sa mga gay roles dahil hindi pa ganoon tayo ka-open sa pag-tackle ng homosexuality sa TV”, esplika niya.
Proud din si Sweet dahil nabigyan ng representasyon ang mga beki sa pelikulang “Working Beks”.
“Napakatotoo ng pelikula. Tumatalakay siya sa iba’t-ibang klaseng gays.Inire-represent niya iyong iba’t-ibang klaseng gays, may baklang martir, may mga closet o paminta, may mga corporate na nakararanas ng discrimination sa workplace, may mga promiscuous, may mga confused pa at may mga baklang piniling mag-asawa at magkaroon ng pamilya”, sey niya.
Bilang isang gay actor, hindi naman naniniwala si Sweet na nalilimitahan ang kanyang artistry bilang actor.
“I’ve played straight roles. Na-nominate pa nga ako. Doon sa “Masikip sa Dibdib”, straight guy nga ang role ko. Nagkaroon pa ako ng love scene kay Christine Jaca at pati kina Ella V., Andrea del Rosario at Gwen Garci. So, nasa actor na rin. Hindi naman ibig sabihin na beki ka, hindi ka na puwedeng maging credible sa mga straight roles at kahit mga gay roles ang mga ginagampanan ko, I make sure na laging may bago akong ipinakikita as an actor”, pagwawakas niya.
Mula sa direksyon ng award-winning director na si Chris Martinez (Ang Babae sa Septic Tank, The Gifted, Kimi Dora), tampok din sa “Working Beks” sina TJ Trinidad, Edgar Allan Guzman, Prince Stefan at Joey Paras.
Mula sa Viva Films, ito ay mapapanood na sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula sa Nobyembre 23.