May 25, 2025
Alessandra showcases another acting power
Latest Articles

Alessandra showcases another acting power

Jan 19, 2017

Muli na namang magpapakitang gilas sa pag-arte ang award-winning actress na si Alessandra de Rossi sa pelikulang “Kung Sakaling Hindi Makarating” ni Ice Idanan na pre-Valentine presentation ng Unitel Pictures at Media East Productions.

Hindi lang challenging para kay Alex ang kanyang role bilang Cielo kundi naging daan din ito para makapaglakbay siya sa iba’t-ibang scenic spots sa bansa tulad ng Batanes, Zamboanga, Ilocos, Siquijor at Marinduque.

“Isa akong babaeng heartbroken na brineak ng kanyang fiancé for 11 years. Ang dilemma niya ay kung ano ang gawin niya after those 11 years at kung paano niya bubuuin ang kanyang sarili after the heartbreak. May matatanggap siyang letter from an anonymous sender kung saan makakarating siya sa iba’t-ibang lugar sa paghahanap ng kanyang sarili,” kuwento ni Alex.

Ayon pa kay Alex, nakaka-relate siya sa character ni Cielo dahil siya man ay nakaranas nang masawi sa pag-ibig.

“Iyong first love ko pa lang, akala ko mamamatay na ako noong mag-break kami pero hindi pala. Noong second time, buhay pa ako at na-realize ko, mabubuhay pala ako at makaka-survive,” aniya.

Pagtatapat pa ni Alex, loveless siya ngayon at hindi pa niya natatagpuan ang lalakeng muling mamahalin.

“Ako naman, deep within me, naranasan ko na at nakita iyan sa mga parents ko. Para sa akin, the greatest love story iyong sa parents ko. Iyon ang kinalakihang kong pagmamahal and I guess, iyon talaga ang hinahanap kong pagmamahal na hindi ko pa nakikita at wala pa akong balak hanapin,” sey niya.

Dagdag pa ni Alex, naniniwala rin siya kahit papaano sa panliligaw.

“Ako rin naman sobrang manligaw. Maalaga talaga ako. Ako rin naman kasi, parang yaya ang peg. Masarap kasi iyong nasusuklian. Iyong feeling na ikaw iyong taong nagnu-nurture at kailangan mo pa rin ang pagnu- nurture,” paliwanag niya.

Sa mga nagpaparamdam sa kanya, hindi niya masyadong feel ang panliligaw through letters or text.

“Madali kasing umupo para mag-profess ng love mo thru letters o kahit sa text. Actually, nasa gawa iyon, wala sa mga pabonggang mensahe. Wala ako sa mga embellishment. Para ano’t bibigyan mo ako ng love letter kung hindi mo naman ako tratratuhin nang tama . Kumbaga, ano ang punto ng mga love letters kung wala iyong presence ng tao at iyong consistency niya,” pahayag niya.

Hindi rin daw nag-iiwan si Alex ng recuerdo mula sa kanyang past relationships.“Hindi ako nag-iingat ng mga love letters. Pag wala na kami, tapos na ang lahat, pati iyong mga nairegalo sa akin, tapon ko nang lahat, pero we remain friends naman. Kumbaga, hindi ko kailangan ng mga alaala sa bahay ko, para respeto ko na lang doon sa susunod,” pagtatapos niya.

Kabituin ni Alessandra sa “Sakaling Hindi Makarating” sina JC Santos, Pepe Herrera at Therese Malvar. Nasa cast din sina Elijah Canlas, Karen delos Reyes, Lesley Luna, Hiraya Plata, Jay Gonzaga, Gabriela Sebastaian, Marius Talampas at may special participation din si Ms. Irma Adlawan.

Mula sa direksyon ni Ice Idanan, ang “Sakaling Hindi Makarating” ay mapapanood sa mga piling sinehan simula sa Pebrero 1.

Leave a comment