
Meg Imperial misses JM de Guzman
Hindi ikinakaila ni Meg Imperial na naging mag-on sila ng magaling na actor na si JM de Guzman.
Kahit hindi gaanong maayos ang naging paghihiwalay nila noon ay nanatili naman daw silang magkaibigan.
Nalungkot nga raw siya nang malulong ito sa droga.
“Never naman akong nagkaroon ng sama ng loob sa kanya. Actually, naroon lagi ako to support him. Isinasama ko siya sa prayers ko para maka-recover. Kasi I want to be that friend na, may malasakit sa kanya. Na anuman ang pinagdaanan niya, naroon pa rin. I want to be that kind na nandun to support him,” ani Meg.
Hindi rin lihim sa kanya ang naging relasyon ng kanyang ex kay Jessy Mendiola.
“Akala ko, sila na talaga at magtatagal sila, lalo na noong nagkabalikan sila, pero hindi pala. Nalungkot nga ako dahil alam kong masakit din iyon para sa kanya,” sey ni Meg.
Inamin din ni Meg na noong nasa rehabilitation center si JM, bilang kaibigan ay nagpapadala siya ng mensahe ng pagsuporta rito sa pamamagitan ng tatay ng aktor.
“Hindi naman mawawala iyong mangumusta ka, just like a friend, at sinasabi naman sa akin na ‘he’s doing good’,” kuwento ng aktres.
Wish din ni Meg na makabalik na si JM sa showbiz dahil mahusay itong artista at gusto rin niya itong makatrabaho.
Si Meg ay isa sa mga bida ng “Swipe” ni Ed Lejano, isang pelikula tungkol sa mga taong sangkot sa mga online dating sites.
Ayon pa kay Meg, nakapag-try na rin siyang gumamit ng mga social dating app tulad ng Tinder out of curiosity, pero never siyang nakipagkita sa lalakeng naka-chat niya.
Natakot daw siya na makipagkita rito pero hindi raw naman siya ‘against’ sa paggamit ng social dating app para makahanap ng boyfriend.
“I guess, dapat lang na maging maingat. Huwag lang basta magbibigay ng mga personal information sa ka-chat mo at maging cautious sa pakikipag-chat. At huwag basta-basta magtitiwala. Dapat din sigurong mag-imbestiga at mag-research muna para makilalang mabuti iyong ka-chat mo,” pahayag niya.
Kabituin ni Meg sa “Swipe” sina Maria Isabel Lopez, Alex Medina, Luis Alandy, Gabby Eigenmann, at Mercedes Cabral na palabas na sa mga piling sinehan simula sa Pebrero 1.
Huling pelikula ni Meg ang “Chain Mail” at “Ex with Benefits.”
Naging guest din siya sa “FPJ’s Ang Probinsiyano” bilang love interest ni Pepe Herrera sa Dos at nakasama sa teleseryeng “Bakit Manipis ang Ulap” ng Singko noong 2016.
Aminado rin siyang nami-miss na ang paggawa ng teleserye.
Huling solo serye niya ang “Moon of Desire” sa Dos noong 2014.