
Elizabeth Oropesa clueless about Vin and Sophie’s breakup; praises their professionalism
Puring-puri ng magaling at award-winning actress na si Elizabeth Oropesa ang acting na ipinakita ni Sophie Albert sa pelikulang “Moonlight Over Baler.”
Wala man siyang say sa casting ng pelikulang ito ni Direk Gil Portes na iprinudyus ng T-Rex Films, aprub sa kanya na ang dating alumnus ng Artista Academy ng TV5 ang gumanap na batang Fidela na ginagampanan niya ang senior counterpart.
“Ang galing niya. She’s a natural as an actress. Hindi ko nga inakalang ganoon siya ka-galing. Hindi talaga siya pahuhuli sa kahit sinong kaeksena niya sa naobserbahan ko sa kanya. Nakatulong din marahil na si Vin Abrenica ang naging leading man niya,” sey ni La Oro.
Sina Sophie at Vin na kapwa dating homegrown talents ng TV5 ay naging magdyowa. Although inamin nilang break na sila, nanatili pa raw naman silang nasa friend zone.
Ayon pa kay La Oro, noong una, aminado siyang nahirapan daw ang produksyon sa paghahanap ng gaganap na batang Fidela.
“Kasi sabi nila, dapat daw, kamukha ko. So far naman, noong pinagtabi kami at nagkita, hindi naman kami nagkakalayo ng height. At agree ako na may mga feature siya na katulad nang sa akin. Ang kulang na lang ay iyong nunal ko pero hindi na iyon naging problema sa pelikula,” lahad niya.
Happy si La Oro na sa kanyang edad ay nabibigyan pa rin siya ng lead role tulad ng kanyang role sa “Moonlight Over Baler.”
“Magkaibigan kasi kami ni Direk kaya noong sinabi niya na may proyekto akong gagawin sa kanya, natuwa ako kasi nagkasama na kami sa “The Homecoming” noon, so parang reunion namin ito,” kuwento pa niya.
Dagdag pa ni La Oro, clueless daw siya na naging magnobyo sina Vin at Sophie.
“Wala talaga akong alam pero noong nalaman ko, lalo akong bumilib sa kanila kasi kahit may pinagdaanan sila, napaka-professional nilang katrabaho,” aniya.
Mula sa panulat ng Palanca-award winning screenwriter na si Eric Ramos at sa direksyon ng award-winning director na si Gil Portes, ang “Moonlight Over Baler” na pre-Valentine presentation ng T-Rex Productions ay mapapanood na lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula sa Pebrero 8.