
3rd Sinag Maynila Filmfest bares finalists
Inanunsyo na ang mga kalahok sa ikatlong edisyon ng Sinag Maynila Film Festival ngayong taon.
Ayon sa Sinag Maynila CEO at Founder na si Wilson Tieng ng Solar Entertainment, nabago na ang mechanics sa pagpili ngayong taon. Sa halip na iskrip, naging batayan nila ang finished products tulad ng nakaraang Metro Manila Film Festival.
“The upgraded mechanics for this season may have been a risky move, pero happy kami sa naging outcome, dahil maraming magagandang pelikula ngayong taon.”
Wala nang seed money o grant para i-finance ang mga pelikulang kalahok ngayong taon.
“Marami kasing pelikulang naghahanap ng playdate, at isang magandang simula ito para mai-promote sila sa mga international film festivals,” ani Direk Brillante Mendoza, Sinag Maynila festival director.
Dagdag pa ng producer na si Wilson Tieng, hindi rin isyu ang ownership ng mga pelikula dahil pag-aari ito ng mga filmmaker.
“Ownership naman is not an issue because we want to help the filmmakers na magkaroon ng venue para ipalabas ang kanilang mga pelikula. Kumbaga, we are just agents or brokers na puwedeng tumulong para makilala ang kanilang mga pelikula sa mga film festivals abroad.”
Gayunpaman, pagkakalooban ng awards at cash prizes ang tatanghaling pinakamahuhusay sa acting at technical categories ngayong taon.
Paglilinaw ni Direk Brillante, hindi raw dahil nabago na ang mechanics ngayong taon ay ito na rin ang mangyayari sa mga susunod na taon.
“Iyong una kasi, talagang minentor sila. Iyong ikalawa naman, na-establish na siya. Itong 3rd naman, just like its new tagline na “Sineng Lokal, Pang-international”, napalaki ng potensyal nilang mapadala sa mga international film festivals,” aniya. “Baka kasi next year, merong finished products pa rin at meron namang may seed money o co-produced ng Sinag,” dugtong niya.
Proud naman si Mr. Tieng dahil napag-uusapan at pinupuri sa mga international film festivals ang mga pelikulang iprinudyus ng Sinag Maynila.
“Iyong “Imbisibol”, palabas pa siya sa Japan. Iyong “Bambanti” rin. Iyong “Mrs.”, naipalabas na sa Thailand. Actually, meron talaga kaming department na tumututok kung paano tutulungan i-market para maipalabas sila sa mga international filmfests,” paliwanag niya
Ang limang napili sa full length category ng 2017 Sinag Maynila Film Festival ay ang “Kristo” ni Howard Yambao, “Beyond the Block” ni Ricardo Carranza, “Lady Fish” ni Jason Orfalas, “Bhoy Intsik” ni Joel Lamangan at ang Cebuano docudramang “Tu Pug Imatuy” (The Right to Kill) ni Arnel Barbarona.
Sa short film category naman, pasok ang “I Am Jupiter, I Am The Brightest Planet” ni Matthew Victor Pastor, “Ang Langit, Burger, at ang Universe” ni Emmanuel Escalona Jr., “Aliens Ata” ni Karl Glenn Barit, “Ang Hindi Ko Masambit” ni Jose Maria Javier Manoos at “Tulay Buhay” ni Paul Arrenze Dionela.
Ang lima namang napili sa documentary section ay ang “Hango” ni Avelino Mark Balmes Jr.,” Kupkop” ni Jaynus Olaivar, “The Recycled Spirits of Roel Cabato” ni Noah Del Rosario, “Pagrara Sang Patipuron (Weaving a Circle) nina Jean Clare Dy at Manuel Domes at “Krudo Boys” nina Mirielle De Lara, Angelica Domingo, Dannieleth Julapong, Maria Agnes Malvar, Bea San Juan at Nathaniel Santiago.
Ang mga kalahok sa 2017 Sinag Maynila Film Festival ay mapapanood sa SM Megamall, SM North Edsa, Gateway at Glorietta 4 cinemas mula Marso 9 hanggang 14.