
MTRCB Chair Rachel Arenas wants to bring ‘matalinong panonood’ to barangay level
Certified movie fan ang bagong hirang na MTRCB chairwoman na si Rachel Arenas.
“Ako talaga, looking forward ako pag may mga trailer na type na type ko. Kahit naman noong bata pa ako, mahilig na akong manood ng pelikula. Dati nga hooked ako sa Cinemaone for their old movies,” pambungad ni Rachel.
Dagdag pa niya, halos lahat daw ng genre ay pinapanood niya.
Aminado rin siya na hanga siya sa talentong Pinoy lalo na iyong mga artista at mga direktor na nakapagbigay ng karangalan sa ating bansa.
Ilan sa mga paboritong artista niya ay sina Sharon Cuneta, Maricel Soriano, Angel Locsin, Coco Martin at John Lloyd Cruz.
Bago pa man siya na-appoint ni Pangulong Duterte sa naturang ahensiya, dati siyang kongresista ng ikalawang distrito ng Pangasinan na hanggang ngayon ay pinagsisilbihan pa rin niya kung may pagkakataon siya.
Malaki rin ang impluwensiya ng kanyang ina para mamulat siya sa serbisyo publiko at sa buhay ng isang public servant.
Si MTRCB Chairwoman ay anak ng kilalang socialite, philanthropist at congresswoman na si Baby Arenas.
Proud din siya na maging anak ng butihing kinatawan.
“Kung magagawa ko lang ang kahit na 1/3 ng ginagawa ng aking ina, I would be a great person. Kasi, nakikita ko naman ang pagmamahal at pagmamalasakit niya. Iyong pagsisilbi niya sa mga anak niya. Very generous siya at love niya ang mga marginalized. Iyong pagtulong niya sa kanyang mga constituents,” ika ni Rachel.
Bagamat may konting pressure kapag ikinukumpara siya sa kanyang ina, itinuturing niya itong hamon para pagbutihin pa niya ang kanyang trabaho.
“My job is an extension of my public service life. Minsan nag-a-alternate kami sa district namin. Minsan, may nagsasabi na ‘anak iyan ni Madam Baby’. Iyong iba naman, may nagsasabi na ‘Mommy iyan ni Congresswoman Baby kasi minsan istrikto ako pero nasa lugar naman,” aniya.
“Kung ano man ang maiku-contribute ko, kung anuman ang nakikita sa akin, iyong pagmamahal sa magulang, sa kapuwa at sa trabaho, iyon ay natutunan ko sa kanya,” paliwanag niya.
Bilang isang lider, “hands on” din sa pamamalakad si Rachel.
“Napaka-casual kong tao pero siyempre dahil nire-represent ko ang Office of the President, I will govern it as professionally as I can. Iyong respeto sa isa’t-isa at iyong pagkilala sa batas na nag-create ng MTRCB. Iyong mga sinusunod na rules and regulations sa isang ahensiya just like any organizations, and I also want unity in my board,” esplika niya.
Dahil maganda naman ang naging pamamalakad ng administrasyon ng MTRCB sa ilalim ng kanyang mga predecessors na sina Toto Villareal at Senadora Grace Poe, gusto niyang ipagpatuloy ang nasimulan ng mga ito.
“I’ve been talking, looking and studying iyong mga programang na-implement sa board. Kung hindi naman siya kailangang palitan at nagdulot ng kabutihan at maraming naging benepisyo, bakit natin papalitan? Siguro, kung may duplication, kung sakali, saka babaguhin,” bulalas niya.
Layunin din niyang paigtingin ang programa ng ‘matalinong panonood’ sa kanyang ahensiya.
“Pinaplano na namin with the help of our board members kung ano ang pinaka-efficient para sa lahat. Should it by the region or the most populated or the poorest? We want to bring it down to the barangay level para mas marami ang makapag-benefit,” pagbabahagi niya.
Payo rin niya sa mga magulang na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak sa kanilang panonood ng pelikula sa anumang format nito.
“Actually, we are just here to rate and classify films. We are here to guide not to force them what to watch. Sa teknolohiya natin ngayon, marami nang napapanood sa iba-ibang format, kaya ang pinaka-ideal is to self-regulate. Iyong mga magulang, dapat na i-guide nila ang kanilang mga anak. Hindi man saklaw ng MTRCB ang online, dapat maging maingat ang mga magulang sa pag-guide sa kanila lalo na iyong mga napapanood online at maging sa social media, na napaka-accessible na sa mga kabataan sa panahon ngayon,” sey niya.
Tungkol naman sa isyu ng paggiit ng MTRCB board member na si Mocha Uson na alisin na ang SPG rating at maging sa naging pag-alma nito sa mga maseselang eksena sa kontrobersyal na mga episode ng mga programang “Ipaglaban Mo” at “The Better Half” ito raw ay napag-usapan na ng Board.
“Nagkaroon na ng pag-uusap riyan at may natalakay na rin ang Abjudication Committee. Matagal na rin naman ang SPG at so far, maganda naman ang epekto niya dahil may mga programa naman talagang mature ang tema, so may limitasyon din talaga ang TV,” pagwawakas niya.