
Meg Imperial wants to learn from award-winning actors
Natupad na rin ang pangarap ni Meg Imperial na makasama sa pelikula ang mga Urian award winning actors na sina Assunta de Rossi at Jay Manalo sa “Higanti.”
“Pag kasi, sinabing awardee ka ng Urian, napakalaking bagay iyon. Prestigious at credible award-giving body siya kaya napakalaking karangalan niya na puwede mong ipagmalaki sa filmography mo,” sey ni Meg.
Si Assunta ay nanalong best actress noong 25th Gawad Urian para sa pelikulang “Hubog” ni Joel Lamangan.
Si Jay Manalo naman ay nagwagi bilang best actor noong 26th Gawad Urian para sa pelikulang “Prosti” ni Erik Matti.
Pagtatapat pa niya, honored siya na makatrabaho ang dalawang actor.
“Siyempre, gusto ko ring manalo ng award. Actually, nag-observe ako sa kanila. Kung paano nila binibigyan ng atake ang kanilang mga role at perhaps, matuto kung paano mag-deliver ng award-winning performances,” pahayag niya.
Ayon pa kay Meg, marami siyang natutunan sa pakikipagtrabaho kina Assunta at Jay.
“Very professional sila at kapag may mga eksena kami, inaalalayan nila ako. Supportive sila kasi hindi sila madamot. Nagbibigay sila. Mas concerned sila sa kalalabasan ng eksena kesa sa kanilang performance. Iniisip nila kung paano namin mapagaganda ang mga eksena na walang nagsasapawan,” ani Meg.
Ginagampanan ni Meg ang role ni Jean, isang anak na malayo ang loob sa kanyang ina mula nang magkahiwalay ang kanyang mga magulang. Ang ina niyang si Leni ay binibigyang-buhay ni Assunta.
Nakatrabaho na ni Meg sa telebisyon sina Jay at Assunta pero ito ang unang pagkakataon na nakasama niya ang dalawa sa isang pelikula.
Nagkaroon na siya ang pagkakataong makasama si Assunta sa isang episode ng MMK sa Kapamilya network samantalang si Jay naman ay nakatrabaho na niya sa teleseryeng “Bakit Manipis ang Ulap?” sa TV5.
Maliban kina Jay at Assunta, kabituin ni Meg sa pelikulang ito ni Rommel Ricafort sina Katrina Halili, Kiko Matos, Jon Lucas, DJ Durano, Alwyn Uytingco, Lui Manansala, Daniel Pasia, Ruby Ruiz at marami pang iba.
Ito ay iprinudyus ng Gitana Films ng bookstore magnate na si Ms. Maria Teresa Cancio at ng Viva Films.
Palabas na ito sa mga piling sinehan simula sa Marso 22.