
Jodi shares thought on ‘what ifs’ in life
Pagkatapos ng triyanggulo nila ni Richard Yap at Ian Veneracion sa “The Achy Breaky Hearts,” balik-pelikula si Jodi Sta. Maria na may title na “Dear Other Self” kung saan dalawang katauhan ang kanyang gagampanan.
“Dalawa kasi ‘yung story, pero hindi siya kambal,” aniya. “Kumbaga, parallel lang siya na kasama sa pagkukuwento,” dugtong niya.
Ayon pa kay Jodi, naka-attract sa kanya ang kuwento ng obrang idinirehe ni Veronica Velasco na kilala sa kanyang mga pelikulang “Maling Akala,” “Last Supper No. 3,” “Inang Yaya” at “Tuhog.”
“Interesting kasi ‘yung story kasi makaka-relate ka. Di ba sa life natin, parang ang world natin isa siyang malaking ‘what if,’aniya. “Actually, tungkol siya sa isang tao lang na gumawa lang ng magkaibang desisyon,” dugtong niya.
Sa “Dear Other Self,” ipakikita kung ano ang magiging buhay ng isang tao kung hindi siya pumili ng kanyang kapalaran.
Dagdag pa ni Jodi, “Sa narrative pa lang, makikita iyong pinatunguhan niya. Isang tao, magkaiba ang desisyon, magkaiba ang tinahak,” paliwanag niya.
“Di ba, may mga tao na nagtatanong minsan kapag nasa crossroads ng buhay nila ng ‘what if’. What if, iba ang pinili kong kurso? What if kung hindi ako nag-asawa? What if kung iba ang naging life partner ko? What if, nag-abroad ako, yayaman ba ako? So doon pa lang napaka-interesting ng premise,” bida niya.
Hirit pa ni Jodi, kung hindi siya nasa showbiz, siguro, pinili niya ang maging doktor.
“Kung tinuloy ko kasi ‘yung medicine, malamang, doktor na ako ngayon. Marahil, ibang-iba rin ang buhay ko ngayon, ang mundo ko at pati iyong mga taong nakakasalumuha ko,” sey niya.
Paliwanag pa ni Jodi, wala raw naman siyang regrets na pinili niyang maging artista.
“Enjoy ako sa ginagawa kong pag-arte. Ito ang pinili kong mundo at dito ako masaya,” ani Jodi.
Si Jodi ay nag-aral ng Medical Biology sa Dela Salle University sa Dasmarinas, pero dahil sa tinamong tagumpay at kasikatan ng kanyang teleseryeng “Be Careful with My Heart,” naisantabi niya ang kanyang pag-aaral.
Hindi naman niya pinagsisisihan ang desisyon niyang ito dahil napamahal na sa masa ang kanyang karakter na si Maya sa tambalan nila ni Sir Chief aka Richard Yap.
For the record, ang “Be Careful with My Heart” ang isa sa pinakamatagumpay na teleserye ng Dos.
Ito rin ang naging pasaporte niya upang maging in demand siya sa mga teleserye at maging sa mga pelikula.
Ayon pa kay Jodi, balak niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral ng medisina.
Masaya rin si Jodi dahil sa pelikulang “Dear Other Self” ay nagkaroon siya ng oportunidad na makapag-travel.
Kinunan kasi ang ilang eksena ng pelikula sa Thailand.
“Mahilig din kasi akong mag-travel, so it was a refreshing experience,” pagwawakas niya.
Kabituin ni Jodi sa “Dear Other Self” sina Xian Lim at Joseph Marco na mapapanood na ngayong Mayo.

Bukod sa pagiging magaling na aktres, isa ring masinop na negosyante si Jodi. Proud owner siya ng Rue Bourbon Bar and Restaurant at meron ring siyang Happy Barn Milk Shake factory na may ilang branches na rin sa Metro Manila.