
Direk Arlyn’s ‘Bubog’ pictures similarity to Duterte’s war against drugs
Cagayan de Oro– Naimbitahan kami para dumalo sa presscon at premiere night ng indie film na “Bubog” mula sa direksyon ni Ms. Arlyn dela Cruz kasama ang isa sa producers ng pelikula na si Ms. Andrea Cuya, editor ng Police Files Tonight na si Blessie Cirera at ang tatlong casts na sina Janice Jurado, Neil Carandang at Tere Perez Gonzales
Ang ibig sabihin ng Bubog sa pelikula ay crystal o shabu. Napapanahon ito dahil ito’y tungkol sa war against drugs tulad ng sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa presscon ng Bubog na ginanap sa Pearlmont Hotel kagabi, sinabi ni Ms. Andrea na ito ang first time na nag-produce siya ng isang indie film. At ipinaliwanag niya kung bakit itong Bubog ang una niyang pinrodyus.
“Unang-una, napapanahon kasi siya. Pangalawa, nagtiwala ako kay Direk Arlyn na kung paano niya isulat, kung paano niya gawin yung isang istorya. Kaya po naging co-producer ako. Nabasa ko po yung script at agad-agad kong sinabi na Okay,” sabi ni Ms. Andrea.
Bilang bahagi ng promotion ng pelikula ay nagpupunta sa iba’t-ibang probinsya sa South sina Ms. Andrea. Nauna na nga silang nagpunta sa Davao, sumunod ay dito sa CDO.
“Ano kasi, dahil bago ako sa ganitong industry so hindi ko alam kung paano siya i-market, yung mga indie film. So, mas maganda siguro baybayin mo yung bawat city para mas lalong maintindihan ng mga tao kung ano ba yung pelikula na pag napanood nila, may matututunan sila, na kung ano ba yung nangyayari sa bansa natin”
Samantala, tinanong namin sina Tita Janice, Tere at Neil kung ano ang role nila sa pelikula at kung paano nila nakuha ang role.
Sabi ni Tere, na malapit nang ikasal,” By profession kasi, isa po akong radio-talk show host sa Radio Inquirer. Katrabaho ko po si Direk Arlyn sa Broadcasting. On the side naman po, nag-aartista rin ako. Na-cast ako sa ilang indie films na siya rin ang nag-direk. And recently, madalas akong gumaganap na reporter sa mga teleserye. At gumanap din akong reporter sa Enteng Kabisote (pelikula dati ni Vic Sotto).
“With this one, ang una kasing role na ibinigay sa akin ay isang taga-squatter na babae, na mahilig makipag-sex sa isang drug addict dun. Kaya lang later on, sabi ni Direk Arlyn, parang hindi bagay sa akin yung role. So ang binigay na lang niyang role sa akin ay bilang isang PDEA agent. Ako lang po yung nag-iisang babae na PDEA agent na pumasok sa isang drug operation at mahanap at masolusyunan ang isang problema ng bayan natin ngayon. I did not go thru auditon na. Angkop na po kasi talaga sa akin yung role. So there!”
Sabi naman ni Neil, “Yung role ko po rito is si Jonathan, na napariwara, napalayo sa pamilya niya, nawalan ng koneksyon sa kanyang ina at mga kapatid niya. Sumubok na mamuhay na mag-isa. Ayun, dun na napalagay sa peligro yung buhay ko.
“Nakilala ko si Direk Arlyn nung gawin ko yung Tibak na siya ang director. Yung pelikula po ay tungkol sa mga kabataang makabayan, mga rebolusyunaryo noong panahon ni Ferdinand Marcos. Ang role ko po ay bilang si Nur Misurari. Dito po sa Bubog, tinawagan na lang ako ni Direk Arlyn. Siguro nag-enjoy siya na katrabaho ako.”
Gaya nina Tere at Neil ay hindi rin dumaan sa audition si Tita Janice. Personal choice siya ni Direk Arlyn para sa role na isang asset.
Bahagi niya,” Unang-una, kaya siguro ako kinuha ni Direk Arlyn dahil nalaman niya na nanggaling ako sa drugs. Ang drugs po ang sumira ng buhay ko. Ang drugs po ang nagpahiwalay sa akin sa mga anak ko. Ang drugs din po ang dahilan kung bakit parang naging mukhang bangkay ako noon at dahil po sa drugs na yan, nawala ang career ko, nawala ang pamilya ko, nawala ang itsura ko, pati mga kaibigan ko, nawala, lalong lalo na ‘yung aking tirahan.
Ang alam ko noong araw, walang Diyos. Ang Panginoon ko noong araw ay ‘yung pera at ‘yung drugs. Kahit ‘yung mga anak ko, hindi ko pinapansin. Nung ipasok ako sa rehabilitation center, nung tulungan ako ng Oasis of Love, napatunayan ko na may Panginoon.”
Kasama rin sa pelikula si Joshua de Guzman.
Si Joshua ay 19 years old na. Kaya raw siya napasok sa showbiz dahil sa tulong ni Danni. Ipinasok daw siya nito sa unang indie film na ginawa niya, ang Pusit na ang direktor din ay si Ms. Arlyn. Bata pa lang daw siya ay pangarap na talaga niyang mag-artista, na gusto niyang mapanood ang sarili na umaarte sa serye at pelikula at natutuwa siya na natupad ang pangarap niya.
Bukod sa Bubog, may nagawa ring indie film si Joshua, ang Batibat na siya ang lead star dito. And soon ay uumpisahan niya na ang pelikulang Maid In London, na makakasama niya rito sina Andi Eigenmann at Matt Evans.
Mamayang gabi gaganapin ang premiere night ng Bubog sa Gaisano Mall, Cagayan de Oro. Ang pelikula ay ipapalabas doon hanggang May 16. May dalawang screening ito– isang 5:30 pm at 8:00 pm.