
Zoren flashes back life before with Carmina; stars in a movie tribute for ‘yaya’
Nakaka-relate si Zoren Legaspi sa pelikulang “Our Mighty Yaya” dahil siya man ay tumayong yaya ng kanyang mga anak lalo na noong panahong nagsisimula pa lamang ang kanilang pamilya ng asawa niyang si Carmina.
“Relate na relate lalo na noong nagsisimula pa lang kami ni Mina. Siyempre sa halip na ikuha mo ng katulong o ng yaya, ikaw na lang gagawa ng mga gawaing bahay at pati na sa pag-aalaga ng mga bata,” pagbabalik-tanaw niya.
Pero, hindi raw naman niya ikinahihiya iyon dahil isa iyon sa dahilan kung bakit lalong naging matatag ang pagsasama nila ni Carmina.

“I’m happy dahil lumaki namang malusog at mababait ang mga anak ko. Naging opportunity din iyon para maging mas malapit ako kina Cassy at Mavy,” aniya. “Actually, pagdating sa mga anak ko, hands on parent ako. Kami ni Mina,”dugtong niya.
Papel ni Tonichi Sevilla, isang biyudong business tycoon na may tatlong anak ang role ni Zoren sa “Our Mighty Yaya.”
Happy din siya dahil kasama siya sa pelikulang nagbibigay pugay sa mga yaya.
“Perfect siyang Mother’s Day treat. Para siya sa lahat ng yaya at tumayong yaya sa kanilang mga anak at mga alaga,” pagtatapos niya.
Sa pelikula, magiging fiancee niya si Megan Young na mahihirapang mahuli ang loob ng kanyang mga anak.
To the rescue ang character ni Ai Ai kay Megan para tulungan itong mapalapit sa kanyang mga alaga.
Huling lumabas sa TV si Zoren sa Kapamilya Network kasama ang Jadine at ngayon naman ay napapanood siya sa Kapuso Network.