
Karl Medina reacts on a chance working with Baron Geisler: No. I won’t. It’s a matter of principle
Panganay sa magkakapatid na Medina si Karl at kung may nasaktan sa nangyaring urination incident between Baron Geisler at sa kanyang kapatid, ito ay walang iba kundi ang magaling na aktor dahil kuya siya ni Ping.
Dahil sa eskandalong nilikha nito, minabuti ng direktor nitong si Arlyn dela Cruz at ng producers na sina Andrea Cuya at Aya Sycon na ire-shoot ang kontrobersyal na mga eksena at palitan ang dalawang artistang sangkot.
Pinalitan si Ping ni Karl samantalang si Baron naman ay pinalitan ni Allan Paule.
Bilang actor, hindi naman big deal kay Karl kung siya ang napiling replacement sa role ni Ping bilang isang corrupt na informant or double agent na sangkot sa operasyon ng droga sa “Bubog.”
“Bago ko naman tinanggap iyong role, kinunsulta ko naman si Ping. Pinag-usapan siya ng family namin at okay naman kay Ping at pati na sa kanila,” aniya.
Ayon pa kay Karl, hindi siya nagkaroon ng hesitation na gawin ang role kahit taliwas ito sa mga mababait at lead roles na nagampanan na niya.
Si Karl ay nagbida na sa pelikulang “A Guerilla is a Poet” ni Sari Dalena kung sana ginampanan niya ang role ni Joma Sison bilang isang makata. Nanalo siya bilang best actor sa naturang pelikula sa kauna-unahang Cine Filipino Film Festival noong 2013.
Sa pelikula namang “Buwaya” sa Cinemalaya noong 2015 ay napansin siya at naging nominado bilang best supporting actor sa 2015 Gawad Urian.
Nakalabas na rin siya sa ilang documentaries na “Ang Kababaihan ng Malolos” at sa biopic ni General Miguel Malvar.
“Hindi siya mabait. Corrupt siya at wala siyang paninindigan pero bilang isang aktor, gusto kong subukan pa ang ibang roles para mapalawak pa ang puwede kong gampanan,” paglalarawan niya sa kanyang role.
Dagdag pa ni Karl, naniniwala naman siyang naging fair ang producers ng “Bubog” kay Ping kahit naibasura ang mga eksena nito dahil compensated naman daw ito at naiintindihan niya ang limitasyon ng kapatid noong mga panahong iyon dahil nabali ang kamay nito dahil sa insidente.
Paliwanag pa niya, kung siya ang naging original choice sa role, hindi rin niya alam ang gagawin kung sakaling nangyari sa kanya ang nangyari sa kapatid.
“Hindi ko masabi. Hindi naman nangyari sa akin iyong urination incident. Makapagsasalita lang ako kapag nangyari siya sa akin,” pakli niya.
Tungkol naman sa naging atake niya sa role na originally intended kay Ping, ito ang kanyang naging paliwanag.
“Hindi ko alam kung ano ang ginawang version ni Ping. Siguro, iyong pagkakaiba ay hindi na siya kinunan sa loob ng container van, kundi sa junkyard pero nakabalot pa rin ako ng tape at ako naman, saludo kay Direk dahil binibigyan ka niya ng freedom kung paano bibigyan ng atake ang role mo,” bida niya.
Sa isyu naman kung papayag siyang makatrabaho o makaeksena si Baron kung sakaling may offer sa kanya in the future, matigas ang naging pagtanggi ni Karl.
“No. I won’t. It’s a matter of principle,” pagwawakas niya.