
Here’s why Comedy Queen Ai Ai almost quit showbiz
Masayang masaya ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas dahil certified box office hit ang kanyang pelikulang “Our Mighty Yaya” ng Regal Entertainment na patuloy na pinipilahan sa ikalawang linggo niya sa takilya.
Sobrang espesyal kay Ai Ai ang “Our Mighty Yaya” dahil bumalik na ang winning streak niya sa box office.
“Three or four years ago kasi, dumating ang maraming pagsubok sa akin. Namatay ang Mama ko. Nahiwalay ako sa asawa ko, flop iyong naging pelikula ko at ang dami pa. Kaya nga, nagtanong kay Lord. Sabi ko, Lord, ano bang nagawa kong hindi maganda kaya nangyayari sa akin ito,” kuwento niya. “Tapos, heto pala iyong sagot na hinihintay ko,” dugtong niya.
Inamin din ni AiAi na muntik na siyang mag-quit sa showbiz dahil sa mga naranasan niyang pagsubok sa buhay.
“Totoo. Nakabili kami ng bahay sa Amerika. Actually, talagang gusto ko nang doon kami manirahan at mag-quit na showbiz. Pero, God is so good dahil hindi niya ako pinabayaan. Dumating iyong offers sa akin sa movies. Bumongga ang lovelife ko. Nagka-award ako sa “Area”, ang kauna-unahang international acting award ko tapos, successful ang pelikula ko, so thankful talaga kay Lord sa mga blessings na ibinibigay niya,” ani Ai Ai.
Sa pamamagitan ng tagumpay ng “Our Mighty Yaya,” naibalik ni Ai Ai ang magic niya sa box office.
“May magic pa pala ako. Kaya naman, sobra ang pasasalamat ko kay Tito Boy (Abunda), kina Mother Lily at Roselle at sa GMA at APT family ko sa kanilang pagtitiwala,” bulalas niya.
Dagdag pa ni Ai Ai, gusto pa niyang gumawa ng maraming pelikula lalo na sa larangan ng komedya kung saan siya nakilala.
“Ito ang talent na ibinigay sa akin ni God at gusto kong marami pang mapasaya sa mga pelikulang ginagawa ko,” pagwawakas niya.
Hataw din ang komedyana dahil may ginagawa siyang pelikulang “Bes, Ang Galing Mo (Uwian Na, May Nanalo Na!) under Cineko Productions.
Nakaline-up din sa kanya ang pagbabalik pelikula niya sa bakuran ng Star Cinema.
Mula sa direksyon ng award-winning director na si Jose Javier Reyes, ang “Our Mighty Yaya” na nasa ikalawang linggo na ay nagtatampok din kina Megan Young, Zoren Legaspi, Sofia Andres, Beverly Salviejo, Mitoy Yonting, Mae Bautista, Divine at sa mga bagong child wonders na sina Lukas Magallano at Alyson McBride.