
Wynwyn Marquez, willing to be a stepmom to Mark’s daughter
Beauty queen material si Wynwyn Marquez at napakalaki ng potensyal niya para manalo sa Bb. Pilipinas o Miss World Philippines.
Napabalita noon na balak niyang sumali sa Bb. Pilipinas pero hindi ito natuloy ngayong taon.
“May contract kasi ako sa GMA. I have an obligation to fulfill kasi I have a show. Dumating iyong offer sa akin to do “Mulawin vs. Ravena” so I don’t want to miss the opportunity kasi hindi naman lahat ay nabibigyan ng ganitong klaseng projects,” panimula niya.
Pero, hindi raw naman ibig sabihin na sa pag-skip niya this year ay kinakalimutan na niya ang kanyang dream na maging beauty queen.
“25 years lang naman ako. Makapaghihintay naman iyong dream ko na maging beauty queen,” sey niya. “But you’ll never know, meron namang Miss World, I know, is with GMA,” pahabol niya.
Suportado rin ng boyfriend niyang si Mark Herras ang kanyang ambisyon na maging beauty queen title holder.
“Sinasabi lang niya sa akin, huwag kong intindihin iyong mga taong nangungulit na sumali ako sa mga beauty contest. Sumali lang daw ako kapag gusto ko o feel ko na,” bida niya.
Bagamat napag-uusapan na raw ang paglagay nila sa tahimik, wala pa raw naman silang balak na magpakasal.
“Hindi naman siya nangungulit. Actually, hinihintay lang niya kung kailan ako ready at alam naman niya na marami pa akong gustong gawin sa sarili ko at sa career ko,” paliwanag niya.
Happy naman si Wynwyn dahil magkasundo si Mark at ang kanyang mga magulang.
“My Dad invited Mark noong Holy Week to have dinner with us. We have our bonding moments at part na siya ng family,” ani Wynwyn.
Hindi naman itinanggi ni Wynwyn na noong una ay tutol si Joey (Marquez), ang kanyang ama, kay Mark para sa kanya.
“Noong una, ayaw niya. Lahat naman ng father, protective sa mga daughter nila. May image rin kasi si Mark na babaero before so, it’s just normal lang na mag-worry siya. Pero, now, I guess, they’re okay,” tsika niya.
Dagdag pa niya, tanggap niya ang pagkakaroon ni Mark ng anak sa ibang babae at hindi ito isyu para sa kanya.
Katunayan, kung magkakatuluyan siya, willing siyang maging stepmom ng anak nito.
“I came from a family na may mga half-sisters at mga half-brothers ako, so it’s never an issue.
I know that Dad has a lot of girls, so hindi na siya big deal. As long na mae-explain mo nang tama sa bata, okey lang siya,” pagwawakas niya.
Kontrabida ang role ni Wynwyn sa “Mulawin vs. Ravena” kung saan ginagampanan niya ang papel ni Ribay, isang Ravena.