
Ryan makes a good bang
Nagpapasalamat ang It’s Showtime host na si Ryan Bang kay Empoy Marquez dahil sa pagiging phenomenal bida sa pelikulang “Kita-Kita,” ay napansin siya.
“Nag-umpisa akong sidekick ni Papa P [Piolo Pascual] tapos sidekick ako ni Coco Martin tapos ngayon si idol Robin [Padilla] sa “Sana Dalawa ang Puso.” Hindi ko akalain ako ‘yung magiging leading man. Siguro katulad din noong nangyari kay Empoy, dahil sa kanya, may chance din ako,” sey niya.
Gusto rin daw niyang subukan ang mag-produce ng pelikula.
“Nag-iipon-ipon pa ako para ako ang mag-produce para maging bida. Pero ngayon natupad. Maraming salamat sa Star Cinema. Binigay ko po rito sa movie ang 150%,” sabi ng 2nd Big Placer sa Pinoy Big Brother Teen Clash 2010.
Masasabing big boost din sa career ni Ryan ang pagbibida sa “Da One That Ghost Away,” isang horror-comedy na nagmamarka ng unang pagsasama nila ni Kim Chiu bilang tandem.
“Sobrang thank you ako sa production team at sa mga kasama ko. Kay Kim, kay Direk, lahat-lahat naman sila tulong-tulong sa akin. Grabe ang support nila sa akin,” bida niya.
Kahit bida na, ayaw isipin ni Ryan na ibang level na siya.
“Dito sa movie, wala naman po akong naramdamang bida. Bawat isang role, parang lahat po importante. Tulungan po kaming lahat. Lahat ng karakter, importante po siya sa movie kasi kung wala ang isa, di po siya mabubuo,” sey niya.
Dagdag pa niya, hindi rin daw naging hadlang ang kanyang pagiging garil sa pananagalog para hindi sila magkaintindihan ng mga kasama niya sa set.
“Nagkakaintindihan naman kami. Si Kim at si Direk, inaalalayan nila ako kapag may malalim na Tagalog na hindi ko naiintindihan. Okey naman ang trabaho namin sa set,” bulalas niya.
Gusto rin daw niyang subukan ang drama bagamat hindi pa siya ganoon kakumpiyansa sa sarili niya.
“Natatakot ako kapag nag-drama ako kasi baka matawa sila sa akin. Nagdrama na rin ako sa My Ex and Whys. Pero kung mapansin ng management na kaya ko naman… actually puwede rin naman ako sa drama.I’m giving my best sa bawat ginagawa ko. Dati may offer sa akin sa MMK. Hindi lang siya sakto sa schedule ko kaya hindi natuloy,” ani Ryan.
“Kung mapansin, why not,” pahabol niya.
Bagamat may offer siya na gumawa ng show sa Korea, tinanggihan daw niya ito.
Gayunpaman, hindi raw naman niya ito lubusang pinagsisisihan dahil maganda naman daw ang naging kapalit.
“Hindi ko akalain na ganito ang mangyari sa buhay ko. Kasi ‘yung malaking offer sa akin ng SBS sa Korea na isang variety show, hindi ko tinanggap, nagsisi ako ng kaunti. Sayang, dapat kinuha ko pala,” pahayag niya.
“Pero ngayon, hindi na ako nagsisi dahil ito na nagkaroon ako ng pelikula at leading man pa ni Kim Chiu kaya sobrang masaya po ako,” dugtong niya.
.
Nagpapasalamat din siya sa suporta sa kanya ng mga kababayan nating Pinoy na inangkin siya at itinuring na bahagi ng pamilya.
“Malaki utang na loob ko sa Pilipinas, saka gusto ko rin someday na bumawi sa mga Pilipino na nagmamahal sa akin, kahit noong wala pa ako, mahal na nila ako. Mas gusto kong mapasaya ng mga Pilipino,” pagwawakas niya.
Mula sa produksyon ng Star Cinema at sa ilalim ng direksyon ni Tony Y. Reyes mula sa iskrip nina Danno Mariquit, Daisy Cayanan at Dip Mariposque, Ang “Da One That Ghost Away” ay ang ultimate adventure-horror-comedy movie ngayong tag-araw na tiyak na kagigiliwan ng buong barkada at pamilya.
Bukod kina Kim at Bang, kasama rin sa cast sina Pepe Herrera, Enzo Pineda, Lassy Marquez, Moi Bien, Matet de Leon, Cai Cortez, Chocoleit at ang ang beteranang aktres na sina Marissa Delgado at Odette Khan.
Mananakot at magpapatawa ito sa lahat ng mga sinehan simula sa Abril 18.