
Why Ricky Lee doesn’t believe in awards
Masasabing low-profile ang multi-award winning screenwriter at Plaridel awardee na si Ricky Lee.
Hangga’t maaari, ayaw niyang masangkot sa anumang kontrobersya dahil sa pinangangalagaan niyang pangalan.
Matagal din siyang nagmuni-muni bago tinanggap niya ang alok ng Famas na maging hepe ng mga hurado sa pagbabagong-bihis nito.
“Noong una, ayaw ko talaga. Hindi kasi ako naniniwala sa awards na parang boxing. Pero, noong kinausap ko, halos lahat ng hiningi ko, binigay nila sa akin. Noong nilapitan ko iyong mga jurors at mga critics, nag-yes sila. Sabi nila, Famas iyon, institusyon na at proud kaming makasama riyan,” kuwento niya.
Gayunpaman, naging malinaw daw ang paninindigan at panuntunan niya nang tanggapin ang offer na maging jury chairman.
“Noong in-assemble namin ang jury para sa tatlong sections, may ilang bagay lang kaming nilinaw, ayaw namin ng distinction sa movie na mainstream o indie.
“Ang importante, Filipino film siya, excellent pictures,otherwise walang biases o prejudices. Titingnan mo siya bilang pelikula, iyon iyong una. Ikalawa, while sabi namin, awards body ito at competition anyway, isa-isahin natin ang pag-celebrate natin ng magagandang pelikula at achievements sa industry natin.
“So, ang pinili namin ay iyong ten outstanding films rather than iyong maglalaban-laban or eight outstanding performances rather than iyong labanan.
“That’s why, napagpasyahan namin na lahat ng nominees, ipapalabas two or three weeks before the awards night sa iba’t-ibang sinehan like Cinema Centenario, Cinema ’76, Black Maria and FDCP para magkaroon ng chance na mapanood and more than that, maramdaman ng mga tao na ito ang outstanding na mga pelikulang Pilipino regardless kung mananalo sila o hindi,” paliwanag niya.
Sobrang impressed din daw siya sa output ng Pinoy films noong nakaraang taon kaya naman ganado siyang tulungan ang kanyang kapuwa filmmakers.
“Parang masarap sa pakiramdam na makita mo na ang daming mahuhusay na kapwa mo filmmaker na gumagawa ng magagandang pelikula.
“Umaakyat ako dati at umaakyat din sila. Itong nandito, mixed sila. May mga beterano at mga baguhan. May mga taga-Maynila at may taga Mindanao roon sa pelikula.
“Ang sarap lang ng pakiramdam na nakakatulong ka sa iba’t-ibang sulok ng Pilipinas. Hindi lang iyong nakapag-aral ng pelikula, iba’t-ibang klase ng tao.
“May mga estudyante at hindi estudyante,in such a manner na nabibigyan naman sila ng chance na makilala tulad nang nakilala ako before. Nagkapangalan ako mainly dahil sa awards. Malaki ang utang na loob ko sa awards although hindi ako naniniwala sa awards,” pagtatapos niya.
Ang mga mananalo sa ika-66 na edisyon ng bagong bihis na Famas awards ay pipiliin ng mga huradong binubuo ng mga kritiko, mga guro at mga miyembro ng akademya.
Ang Famas ay pinamumunuan ng pangulo nitong si Francia Conrado. Katuwang sa taong ito sa pagdiriwang ng magagandang pelikulang Pinoy ang Film Development Council of the Philippines.
Ang 66th Famas awards night ay gaganapin sa Hunyo 10 sa Solaire Theater.