
Vlog to stage: Riva Quenery ignores bashers, concentrates on upcoming concert
Pasisiklabin ng dating Showtime Girltrends Riva Quenery ang stage sa kanyang first ever birthday concert na RIVLOG LIVE, na gaganapin sa SM Skydome ngayong May 27.
Sa presscon ni Riva para sa RIVLOG LIVE, ipinaliwanag niya kung bakit ito ang title ng kanyang concert.
“Kasi gusto ko po ‘yung mga manonood, ma-feel nila na parang pinapanood nila ‘yung vlogs ko ng live. Saka gusto ko rin po na ipakita yung other side ko na performer.
“Saka ginawa ko talaga siyang theme na parang sa Youtube, kasi parang dun po ako mas nakilala ng mga supporters ko, kung ano po ako behind the television,” sabi ni Riva.
Aminado si Riva na kinakabahan na siya sa nalalapit niyang concert.
“Sobrang kinakabahan po talaga ako, kasi kahit nung debut ko dati, kinabahan ako, kasi hindi po ako sanay na may event about me. Parang sobrang napi-pressure ako na ‘hala ‘yung pinunta ng mga tao, ako, so kailangang galingan ko talaga.
“Nai-excite rin naman po ako, kasi maipapakita ko rin sa mga tao kung ano po ‘yung mga kaya kong i-offer sa kanila. And then parang at the same time, happy din po ako para sa mga supporters ko, dahil ito (concert) ‘yung matagal na nilang hinihintay at nire-request na galing po sa akin.”
Almost three years nang vlogger si Riva. Gaya ng ibang vlogger, nakaka-encounter din siya ng haters/bashers.
“Minsan po may nagsabi, ‘Ay anak ito ng general kaya mayabang, ganyan, ganyan. Siguro hindi natuturuan ng tama ng mga magulang. May mga ganung judgment po kahit hindi naman po nila ako kilala ng personal.”
Kaya naman daw ma-take ni Riva ang panlalait sa kanya ng kanyang bashers, pero ang hindi raw niya ma-take ay ‘yung pati ang kanyang pamilya ay nilalait din.
“May vlog po ako na pinakanta ko ‘yung kuya ko, may nag-comment po na feeling gwapo raw ‘yung kapatid ko, na hindi naman daw magaling kumanta. Ini-expect ko na rin po na iba-bash ako, pero iba pa rin po kasi talaga pag ‘yung family ko ‘yung inaatake. Pagdating po sa family ko, sobrang sensitive po ako.”
Ano ang masasabi niya sa mga nakaka-encounter ng haters/bashers?
“Sa mga nakaka-encounter po ng bashers,para po kasi sa akin, siyempre normal po talaga na masaktan ka. Hindi mo pwedeng sabihin na ‘Ay wala lang yan! Sa totoo, masasaktan ka po talaga.
“Pero ako kasi, dini-deadma ko na lang sila at lagi ko po silang ipinagdarasal, na sana ay matauhan din sila, na hindi na sila mam-bash ng ibang tao kasi siyempre hindi po yun maganda.”
Ang guest ni Riva sa kanyang RIVLOG LIVE ay ang mga kaibigan niyang sina Krissha Viaje, Sammie Rimando, Awra Briguela at Zeus Collins.