
Martin Escudero enjoys the challenge of his complex role in “Ang Misyon”
Malaking hamon para kay Martin Escudero ang kanyang role sa pelikulang “Ang Misyon: A Marawi Siege Story.”
Sa naturang pelikula ni Ceasar Soriano, ginagampanan niya ang papel ni Sajid Tumawil, isang nars na isa palang espiya at lihim na nagtratrabaho para sa extremist Maute group.
Ayon pa kay Martin, ito ang pina-complex na character na nagampanan niya.
“Bida-kontrabida kasi siya at first time kong gumanap nang ganitong klaseng role, so, kailangang balansehin ko kung paano ko siya bibigyan ng atake,” sey niya.
Bilang paghahanda sa kanyang role, nagsagawa ng kanyang sariling pananaliksik si Martin.
“Siyempre, nagbasa ako tungkol sa Maute groups pati na iyong giyera at karahasang nangyayari sa Mindanao. Medyo malaki rin iyong naging process kasi nag-aral ako ng Koran,” aniya.
Naitawid daw niya ang kanyang role sa tulong na rin ng mabusising direksyon ng kanyang director at mga kasama sa produksyon.
“Sa shooting kasi, may naka-guide sa amin. At least, naalalayan ako, tungkol sa tamang paggalaw, pananamit at pananalita na kailangan sa pagbuo ng character ko,” deklara niya.
Dagdag pa ni Martin, bukod sa napapanahon, ang kuwento ng Marawi siege ay bahagi na ng kasaysayan ng bawat Pinoy.
“Bawat Pinoy na nagmamahal sa kanyang bayan at mahal ang kanyang pagka-Pilipino, dapat panoorin ang pelikulang ito,” bulalas niya.
“Iyong nangyari tungkol sa Marawi siege, panghabang-buhay na siyang nakaukit sa ating kasaysayan. Kumbaga, nasa history books na natin ito, hindi na siya mawawala.
“Marami rin siyang mga detalye o pangyayari na hindi nailabas sa news na sa pelikula lang mare-reveal, so, dapat siyang abangan,” pahabol niya.
Proud din siyang maging bahagi ng pelikula.
“Bukod sa pag-alala sa kanilang kabayanihan, iyong maging instrumento ka bilang artista para mabigyan sila ng tribute ay napakalaking bagay na,” pagwawakas niya.
Si Martin ay produkto ng talent search show na Starstruck.
Isa rin siyang award-winning actor na nanalo bilang best actor sa 10th Gawad Tanglaw at 9th Enpress awards para sa kanyang gay role sa pelikulang “Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington.”
Huli siyang nagbida sa 2016 Cine Filipino entry na “A Lotto Like Love” ni Carla Baful kung saan nakapareha niya si Isabella de Leon.
Layunin din ng “Ang Misyon: A Marawi Siege Story” na alalahanin ang kabayanihan ng ating mga sundalong nagbuwis ng kanilang buhay noong Marawi siege noong nakaraang taon.
Mula sa produksyon ng Great Czar Media Productions at distributed by ABS-CBN Film Productions, tampok din sa pelikula sina Rez Cortez, Lou Veloso, Jordan Castillo, Tanya Gomez, Darius Razon, Cloyd Robinson, Mia Mendiola, Jack Falcis, Bong Russo, Chamberlaine Uy, Al Flores, John Michael Wagnon, Tim Sawyer, China Roces, at ipinakikilala si Juan Miguel Soriano.

Ito ay sa direksyon ng batikang mamamahayag na si Ceasar Soriano, dating ABS-CBN’s Mindanao News Bureau Chief at kasalukuyang Inquirer Radio and Television’s primetime news anchor/host at producer ng tatlong public affairs program talk shows.
Palabas na ang “Ang Misyon: A Marawi Siege Story” simula sa Mayo 30 sa mga piling sinehan.