
Bibeth Orteza reviews Mike de Leon’s Citizen Jake
Masaya si Bibeth Orteza sa pagbabalik sa sirkulasyon ng master director na si Mike de Leon na kanyang nakatrabaho sa pelikulang “Kung Mangarap Ka’t Magising” na pinagbidahan noon nina Christopher de Leon at Hilda Koronel.
Ayon pa sa Tofarm filmfest director, wala pa ring kupas ang brilyo ng kontrobersyal na director.
Ibinahagi rin niya na bilang board member ng MTRCB, isa siya sa mga nag-review ng napapanahong pelikulang “Citizen Jake.”
“Isa ako sa mga nag-review ng Citizen Jake. Hindi naman kailangang ipaglaban basta ang nag-review si Roland Tolentino, Direk Joey Romero at ako. Then, nagkatinginan lang kami, so, R-13. Hindi naman kami nagcu-cut, nagcla-classify lang kami ng pelikula. Alangan namang ipalalabas mo iyong John Wick, tapos Citizen Jake, hindi. Palalabas mo iyong Kingsman, iyong Citizen Jake, hindi naman puwede iyon,” esplika niya.
Nilinaw din niya na walang pressure silang natanggap sa administrasyon o sa kampo ng mga Marcoses sa pagpapalabas ng nasabing obra ng nagbabalik-pelikulang si Direk Mike de Leon, kaugnay ng matapang at palabang tema nito.
Masaya naman si Direk Bibeth sa pitong kalahok na napili ng screening committee ng Tofarm Filmfest na kinabibilangan ng Chairperson na si Raquel Villavicencio at ng mga miyembro nitong sina Krip Yuson, Manny Buising, Antoinette Jadaone, Mario Cornejo kasama si Joey Romero bilang managing director.
Naniniwala rin siya na ang mga napiling kalahok sa taong ito sa Tofarm filmfest ay consistent sa vision ng namayapang director na si Maryo J. de los Reyes.
Isa rin daw sa rason na kinuha niya si Villavicencio bilang chairperson ng selection committee ay para maipagpatuloy ang magandang nasimulan ni Direk Maryo J. at magabayan nang maayos sa pagpili ang lahat ng miyembro ng lupon dahil dati nang nakatrabaho nito ang Boholanong director.
Ang pitong napiling mga kalahok ay ang historical dramang “1957″ ni Hubert Tibi, ang science fiction na “Alimuom” ni Keith Sicat, ang biopic na “Isang Kuwento ng Gubat” (The Leonard Co Story) nina Rosalie Matilac, Nilo Paz at Ellen Ongkeko-Marfil, ang cultural dramang “Lola Igna” ni Eduardo Roy, Jr. , ang futuristic drama na “Mga Anak ng Kamote” nina John Carlo Pacana at Carlo Enciso Catu, ang period piece na “Fasang” ni Charlson Ong at ang dark comedy na “Sol Searching” ni Roman Perez, Jr.
Ang Tofarm Filmfest, na nasa ikatlong taon na niya ay isang brainchild ng socio-entrepreneur na si Dra. Milagros How, President at CEO ng Universal Harvester, Inc.
Ang Tofarm ang natatanging film festival sa bansa na layuning bigyang pugay ang mga kuwento ng pagpupunyagi, pakikibaka at tagumpay ng ating mga magsasaka, ang mga tunay na bayani ng ating hapag-kainan.
Idaraos ang 3rd Tofarm Filmfest mula Setyembre 12 hanggang 19 sa mga piling sinehan sa bansa.