
Jerome Ponce competes with other ‘Walwal’ boys?
Malaki ang pasasalamat ni Jerome Ponce na nagkaroon siya ng pagkakataong makatrabaho sina Elmo Magalona, Kiko Estrada at Donny Pangilinan sa pelikulang “Walwal” ni Direk Joey Javier Reyes.
Katunayan, nabuo ang bonding nila sa set at kahit natapos na nila ang pelikula ay nananatili silang magkakaibigan.
“Sobrang laki ng pasasalamat ko na nagkaroon ako ng bagong set of friends. Aminado naman ako na may mga high class na buhay sila.
“Marami akong natutunan sa kanila, the way makipag-usap, the way sa buhay at ibang klase talaga iyong friendship.
“Hindi ko inisip na baka nagsho-showbiz-an lang kami o nagpapataasan lang kami. Si Kiko, Ejercito siya, siyempre, sa GMA, kilalang actor din siya. Si Donny, sobrang open niya sa maraming bagay, even with Elmo,” kuwento niya.
Marami rin daw nadiskubre sa mga ito.
“Well, regarding sa kalokohan, typical boys na naglolokohan, nag-aasaran. May tight, may crush, iyong ganoon lang. Natutunan ko, iba siya. Hindi bad, puro good ang nakita ko. Katulad ni Donny, kahit sobrang ganda ng buhay nila, Tagalog siya at marunong makisama, hindi siya maarte, go with the flow. Si Kiko, nagshe-share siya amin. Si Elmo, kahit Magalona siya, hindi mo mararamdaman na royal siya, it’s just iyon siya,” hirit niya.
Sa pelikulang “Walwal,” ginagampanan ni Jerome ang papel ni Intoy, ang pinakamahirap sa grupo at anak ng isang laos na bold star na hinahanap ang kanyang nawawalang ama. Mabigat at mapanghamon ang kanyang role dahil sa kanilang apat, siya ang magpro-provide ng drama sa pelikula.
Coming from a broken family, nakaka-relate rin daw siya sa journey ng kanyang role at dito nanggagaling ang kanyang hugot.
“Siyempre, sa pamilya, sa mga pinagdaanan ko dati. I mean, hindi naman nangyayari sa kasalukuyan, pero nagagamit ko pa rin ,kahit tapos na. Naa-apply mo talaga ang hugot at karga sa iskrip na parang totoong nangyayari,” sey niya.
Grateful din siya kay Direk Joey na sa kanya ibinigay ang most dramatic role sa pelikula.
Nakatulong din daw na may nabaon siyang natutunan sa acclaimed performance niya sa Kapamilya teleseryeng “The Good Son.”
“Hindi naman pahumble kong sasabihin at hindi ako magpapaka-humble. Pero siguro, nasa peak lang ako na heto ako, na katatapos lang akong mag-aral galing mula sa “The Good Son.”
“Marami akong natutunan, marami akong karga sa lecture ng mga director ko. Si Donny, first movie niya ito na acting-acting. Si Elmo, katatapos lang nila iyong kay Janella.
“Tapos, si Kiko, first time kong maka-work, so hindi ko masasabing lumamang ako o hindi. It’s just that, siguro, tulad kay Kiko more of, tackle lang ng ganitong problema,” paliwanag niya.
“Sa akin, maipagmamalaki ko na sobrang lamang ako dahil drama ang ibinigay sa akin na doon pa ako maraming karga at pinanggagalingan,” dugtong niya.
Itinanggi naman niya ang tsikang nagkakalabuan na sila ng girlfriend niyang star volleyball player na si Mika Reyes.
Inamin din niyang paminsan-minsan ay nagkakaroon sila ng misunderstanding pero tipikal daw ito sa magnobyo.
Dagdag pa niya, sobrang supportive ng kanyang non-showbiz sa kanyang career.
Bukod kina Elmo, Kiko at Donny, tampok din sa “Walwal” sina Kisses Delavin, Devon Seron, Jane de Leon at Sofia Seneron na magsisilbing love interests ng apat na batang actor.
Sa ilalim ng direksyon ni Jose Javier Reyes at sa panulat ni Gerald Mark Foliente, maaalaala sa “Walwal” ang mga classic at well-loved Filipino barkada movies na kinakatawan ng mga relasyon at sensibilidad ng henerasyon ngayon.
Ang ultimate barkada movie ay palabas na sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula sa Hunyo 27.