
Prince of Ballad Anton Antenorcruz overwhelmed by big opportunities given by TNT
Maganda ang boses at naiintindihan ang mensahe ng kanta– ‘yan ang dahilan kaya pumasok si Anton Antenorcruz bilang Top 6 Grand Finalist sa Tawag ng Tanghalan Season 2 ng It’s Showtime.
Hindi man siya ang tinanghal na Grand Champion (Janine Berdin, Grand Champion), ay masaya na rin naman siya. Feeling niya, panalo pa rin siya.
“Nung buong linggo na ‘yun ng Grand Finals, parang sabi ko sa sarili ko, makapasok lang ako sa top 6, makapag-perform lang ako sa Aliw Theater (na dun ginanap ang Grand Finals), okey na ako.
“Tapos ayun, after ng Grand Finals, lahat ng nag-message sa akin sa Facebook, sa text, puro congratulations. Parang na-realize ko, wala rin namang nawala sa akin, parang sa mga sinasabi ng tao, hindi ko na kailangang patunayan na dapat kong makuha yung title,” bahagi ni Anton.
At talagang panalo pa rin ang pakiramdam ni Anton, dahil maraming proyekto ang binibigay sa kanya ng Kapamilya network, maging sa apat pa na nakasama niya sa Grand Finals ng TNT Season 2.
”Thankful kami kasi after TNT, hindi naman kami pinababayaan ng ABS, kahit na hindi kami nanalo.
“Lahat kaming nasa Top 6, may lugar sa music industry, kasi inoperan nila kami ng contract, Tapos, hindi naman po natigil ‘yung TV guestings namin at guestings sa mga corporate at provincial shows.
“Tapos po, magkakaroon pa kami ng concert sa July 28 sa Araneta Coleseum, yung “TNT All Star Showdown.”
Ang makakasama ni Anton sa concert ay ang Top 6 Grand Finalists sa TNT Season 1 at yung co-grand finalists niya sa TNT Season 2.
Hindi pa lang niya alam kung sino ang magiging guest nila. Wala pa raw kasing sinasabi sa kanila.
Hindi makapaniwala si Anton na magkakaroon siya ng concert, at sa isang malaking venue pa.
“First time ko pong mag-concert. Nagulat ako, kasi hindi lahat ng baguhan, nabibigyan ng opportunity na mag-perform sa Araneta Coleseum.
“Sa amin, as a performer, as a singer, big deal sa amin na makapag-perform sa Araneta Coliseum, kasi bago pa magkaroon ng MOA (Mall of Asia) at kung ano-ano pang concert venue, ‘yung Araneta Coliseum talaga ang unang sumikat na pinagko-concert-an. Kaya ang sarap ng feelings na may concert at makakapag-perform kami run.”
Pangarap talaga ni Anton na maging isang singer/recording artist. Kaya naman naisipan niyang sumali noon sa X Factor Philippines, at ngayon sa TNT Season 2.
Pero bago pa ito, lumalaban na siya nung elementary at high school sa singing competition sa kanilang school.
“Nung elementary, hindi ako masyadong nananalo. Pero nung nasa high school na ako, lagi na akong nananalo.”
Kahit ang makilala bilang isang singer ang talagang gusto at pangarap ni Anton, kung mabibigyan ng chance, gusto niya ring subukan ang umarte sa harap ng kamera.
“Hindi ko po talaga pinangarap na maging isang aktor o artista, ang kumanta lang po talaga ang gusto ko. Pero nung sumali ako sa TNT, maraming nagsasabi na parang may potential din daw ako na maging artista. So, parang naging open ako sa possibility, na subukan ko na rin ang mag-acting,” pagtatapos ng tinaguriang TNT Prince of Ballad.
Dahil sa exposure ni Anton sa TNT, ay napanood siya sa ibang bansa thru TFC (The Filipino Channel).
Sigurado kami na may kukuha rin sa kanya sa concert abroad, dahil sa ipinamalas niyang galing sa pagkanta.