May 24, 2025
Mayor Herbert finds Kris special
Latest Articles

Mayor Herbert finds Kris special

Jul 11, 2018

Malaki ang pasasalamat ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa Queen of all Media na si Kris Aquino dahil sa magandang naidulot sa kanyang buhay bilang public servant.

Marami kasi siyang natutunan kay Kris at vice versa dahil nagtulungan talaga sila sa isa’t-isa.

Si Bistek (Mayor Herbert) rin ang natatanging kaibigan ni Kris na hindi iniwan ang multimedia queen noong panahong nilayuan ang dating presidential sister noong magpalit ang administrasyon.

Hindi naman niya ikinaila na dalawang beses siyang nag-propose kay Kris noong 2014 at 2017 pero dahil sa komplikasyon na dala ng pagtutol ng mga anak at paniniwala ng magaling na host at in demand na product endorser, na hindi magtatagumpay ang kanilang relasyon, hindi ito nagkaroon ng tuparan o natuloy sa pagpapakasal.

Ayon pa kay Bistek, kuntento na siya sa estado ng kanilang relasyon ni Kris bilang mabuting magkaibigan.

Malaki rin daw ang nagawa ni Kris para maimulat ang kanyang isipan sa mga options na puwede pa niyang gawin sa kanyang personal na buhay at maging sa larangan ng pulitika.

Klinaro rin niya ang tunay na estado ng kanilang relasyon ni Kris sa press launch ng kanyang librong ““Bistek @ 50: Life in Full Color” na tumatalakay sa kanyang buhay noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz hanggang makilalang ace comedian hanggang sa matagumpay na pagpasok niya sa pulitika.

Nakadetalye sa libro ang hirap ng buhay na pinagdaanan niya bilang child star na lumaki sa anino ng ama niyang direktor na si Herminio “Butch” Bautista hanggang maging sikat siyang teen star sa “Bagets” at iba pang pelikula, gayundin ang turning point niya noong 1992 sa pagtakbo niya bilang QC councilor.

Wala pa siyang konkretong plano ang 3-term mayor sa pulitika. Nananatiling nakasalalay daw ito sa magiging kalalabasan ng SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte sa July 23.

Giit pa niya, gusto raw niyang sulitin muna ang panahon para makapiling ang kanyang mga anak na sina Race, Cray, Athena at Harvey, mula sa dalawa niyang naka-relasyon, dahil laging abala siya sa pulitika.

Hinahamon din niya raw ang kaniyang sarili na maging mas mabuting ama sa mga ito kaya nga kung may pagkakataon ay isinasama niya ito sa pamamasyal at pagbabakasyon sa ibang bansa.

Sa mga anak niya, tanging si Athena ang nagpakita ng interes na sumali sa pulitika subalit sa ngayon daw ay hindi niya ito ini-encourage dahil gusto raw muna niyang makatagpos ito at maging hasa na kung sakali ngang papasukin nito ang serbisyo publiko.

Suportado naman ni Mayor Herbert ang pelikula ni Kris na “I Love You, Hater” at aminado siyang love-hate rin ang relasyon nila dahil normal lang daw naman sa mga magkaibigan ang magkatampuhan paminsan-minsan.

Dagdag pa niya, hindi raw niya nafe-feel na ginagamit siya ni Kris para sa promo ng kanyang pelikula o para pag-usapan ito.
Kung tutuusin, kilalang-kilala na raw dito dahil may humigit kumulang na 55 endorsements ito.

Pag-amin pa niya, matagal na rin daw silang hindi nakakapag-usap ni Kris dahil na rin napaka-busy ng kanilang iskedyul.

“Siguro, it’s been a month or a month na hindi kami nagko-communicate,” ani Herbert.

Gayunpaman, kahit wala silang komunikasyon, mananatili raw espesyal sa kanya si Kris.

“Barkada, siyempre hindi mawawala ‘yun, barkada kami noon and okay kami, ano? Kaya maraming maraming salamat sa’yo Kris dahil iba, ibang klase kang tao,” pagwawakas niya.

Leave a comment