
‘Liway’ challenged Glaiza
Suki na ang magaling na Kapuso actress na si Glaiza de Castro ng Cinemalaya filmfest.
Pang-limang Cinemalaya movie na niya ang “Liway” na idinirehe ni Kip Oebanda.
Excited si Glaiza dahil first time niyang gaganap na isang rebelde sa pelikula.
“Ako si Liway. Ako ay isang lider ng NPA noong Martial Law. Nanay ako ni Dakip (Kenken Nuyad) na ipinanganak ko sa kulungan at lumaki siya na hindi alam na kulungan pala iyon kasi since isinilang ko siya, hindi ko sinasabi. Humanap ako ng timing para sabihin kung bakit ako nandoon at kung ano ang buhay na meron siya,” paglalahad niya.
Dahil isang millennial, aminado si Glaiza na hindi niya naranasan ang batas militar noon sa rehime ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“Sa mga kuwento na nakukuha ko, parang walang freedom ang mga tao noon dahil kontrolado ng gobyerno ang lahat. May nagsasabi na okey iyong naidulot ng Martial Law. May mga nagsasabi namang maraming maisamang idinulot ang Martial Law pero sa kuwento ni Liway, hindi namin sinasabi na ito ang paniwalaan ninyo. Hindi na naman kailangang sabihin iyon dahil ito iyong talagang nangyari . Kumbaga, straight from the person na nakaranas nito noon,” paliwanag niya.
Dahil base sa tunay na buhay ang kuwento, nakausap mismo ni Glaiza ang tunay na Liway.
“Nakausap ko siya. Sa totoo lang, sumali siya sa shooting namin. Wala siya sa film pero involved siya sa shooting namin. May mga times nga nagkukuwento siya at every time na ikinukuwento niya iyong mga nangyaring eksenang ginagawa namin, and I think, napakalaking tulong noon sa akin para magampanan ko iyong role,” ani Glaiza.
Kalunos-lunos din daw ang dinanas noon ni Liway kasama ng kanyang kaalyado sa samahan noong panahon ng warrantless arrests.
“Nahuli sila. Pero noong nahuli siya, buntis siya noon at parang iprinisenta sa media, ginawa siyang dahilan o panakip-butas ng mga military noong mga panahong iyon para hindi masabing malupit ang mga military noon,” pagbabahagi niya.
“Noong ikinukuwento nga niya, mangiyak-ngiyak pa siya kasi sariwa pa rin sa alaala niya ang lahat, na namatay ang mga kaibigan niya sa harap niya. May mga eksenang pinatay sa harap niya iyong mga kakampi niya at sinaksak iyong bata na kasama niya. Lahat iyon, ikinuwento niya,” pahabol niya.
Para kay Glaiza, importante na maikuwento sa lahat, pati na sa mga millennials, ang buhay ni Liway hindi lang para pagkunan ng inspirasyon kundi maging buhay na testimonya ng nakaraan.
“Kailangan din nilang malaman kahit papaano, not everything about it, but some parts of it. Kasi hindi natin alam kung paano makakaapekto iyon sa mga desisyon nila in the future,” bulalas niya.
Hindi rin malilimutan ni Glaiza ang naging karanasan niya sa paggawa ng pelikula.
“Umakyat kami sa bundok. Nakakapagod siya. Nilalagare ko siya habang nagte-taping ako ng “Contessa.” Parehong emotionally at physically draining ang mga roles ko sa soap at sa film kaya napagod talaga ako.
Pero, alam ko na tama ang desisyon ko na tanggapin ang “Liway” kahit nahirapan ako. Salamat na lamang na nagawa ko pareho at kinaya ng katawan at utak ko,” pagwawakas niya.
Kabituin ni Glaiza sa “Liway” sina Dominic Roco, Kenken Nuyad, Sue Prado, Soliman Cruz, Joel Saracho, Sue Prado, Paolo O’Hara, Ebong Joson, Nico Antonio, Gerry Cornejo, Diana Alferez, Julie Bautista, Pau Benitez, Liway Gabo, She Maala, Renante Bustamante at Madeleine Nicolas.
Ang “Liway” ay magkakaroon ng theatrical run sa mga sinehan sa buong bansa simula sa Oktubre 10.