
Rufa Mae tries indie: Malay mo, magka-award din ako
Na-miss ng magaling na comedienne na si Rufa Mae Quinto ang paggawa ng pelikula.
Hirit niya, mabuti na lang daw at meron siyang sitcom na “Home Sweetie, Home” kaya hindi kinakalawang ang kanyang galing bilang komedyante.
Kaya naman, sobrang grateful siya sa Cinema One dahil nabigyan siya ng pagkakataong makabalik sa putting tabing.
“Noon ko pa nakikinig ang mga indie. Ang sabi nila, maraming nagkaka-award sa indie, so ako naman, na-curious ako. Sino ba naman ang hindi gustong magka-award? Malay mo, magka-award din ako,” pahayag niyang may halong biro.
Siya ang bida sa pelikulang “Bagyong Bheverlynn” ni Charliebebs Gohetia na kalahok sa ika-14 na edisyon ng Cinema One Originals filmfest.
“Aminin natin, lahat naman ng movies ko, laugh trip lang, hindi siyang pang-award. Commercial na masaya lang dahil comedy. So, ngayon, sobra akong natutuwa na may naniniwala sa akin ulit,” hirit niya.
Proud din siya sa kanyang role bilang Bheverlynn, isang babaeng may storm alter ego.
“Iba kasi ang emote niya. Madali siyang masaktan. Tapos, na-broken hearted pa siya. Kapag nasasaktan siya kaya niyang wasakin ang buong Pilipinas. Kapag nalulungkot siya, bumabagyo, umuulan so para ma-save ang mundo kailangan niyang maging masaya para sa sarili niya,” paliwanag niya.
Kabituin ni Rufa si Edgar Allan Guzman na nakatrabaho na niya noon sa teleseryeng “Enchanted Garden.”
“Si EA, siya iyong dahilan ng heartbreak ko. Noong nagkatrabaho kami, nasa kabilang estasyon pa siya. Pero ngayon, siyempre, iba na. Nag-mature na kami pareho. May asawa na ako. Tapos ngayon bortang-borta na siya, pero ganoon pa rin, masaya siyang kasama,” pagbabahagi ni Rufa.
Ayon pa kay Rufa, happy ang kanyang married life kahit hindi sila magkasama ng kanyang mister na si Trev Magallanes na naka-based sa US.
“Hindi kasi niya puwedeng i-give up iyong trabaho niya. Nagte-train siya sa isang class sa government. Talagang tagaroon siya. Hindi siya rito lumaki at doon siya sanay, kaya doon ang trabaho niya,” esplika niya.
Gayunpaman, suportado raw naman nito ang kanyang karera.
“Very supportive naman siya sa akin. Actually, may business din kami rito. Nag-i-import export kami ng Alexandria wine,” kuwento niya.
“Actually, kaya naman niya kaming sustentuhan at may pera naman kami together, kasi nag-i-stocks stocks din siya, pero mutual decision na rin na for the meantime, long distance relationship muna para praktikal kasi may show ako rito at may contract pa ako sa ABS,” pagwawakas niya.
Ang “Bagyong Bheverlynn” ay isa sa mga opisyal na kalahok sa 2018 Cinemaone Originals na mapapanood na sa mga piling sinehan simula sa Oktubre 12.