
After Contessa, Glaiza achieved another heavy role
Maaasahan na talaga sa mga mabibigat na role si Glaiza de Castro. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalimutan ng mga tao ang ipinamalas niyang galing sa nagtapos na seryeng “Contessa” ng Kapuso Network.
Napakabigat ng papel niya sa naturang teleserye dahil isang babaing inapi at naghiganti ang kaniyang karakter na nag-iwan ng magandang marka sa kaniyang pagganap.
Muli na namang masisilayan ang galing niya sa pelikulang “Liway” na isang true to life story na naganap noong panahon ng martial law. Gumaganap siya bilang Inday/Kumander Liway.
Istorya ito ng buhay ng direktor ng pelikula na si Direk Kip Oebanda na ipinanganak sa loob ng bilangguan. Lumaki at nagkaisip kasama ang mga magulang sa bilangguan.
“Maski na lumaki ako sa loob ng bilangguan, masasabi kong ang kabataan ko ay puno pa rin ng saya at pagmamahal. Sa loob ng maliliit ng silid na pinalilibutan ng barbed wire, natuto akong magbasa at magsulat,” sabi ng direktor.
Nanay ni Direk Kip ang papel ni Glaiza na dumaan sa mabigat at mahirap na sitwasyon. Napagtagumpayan naman ng aktres ang kaniyang pagganap kaya naman marami ang pumuri sa kaniya nang ipalabas ang pelikula sa nagdaang Cinemalaya Film Festival 2018.
Ang pelikula pala ang highest grossing film of all time ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival sa loob ng isang mahigit isang dekada. Umaapaw talaga ang kaligayahan ni Glaiza sa tagumpay na tinatamasa ng pelikula.
Dumagdag pa ang kasiyahan niya dahil ipapalabas na ang pelikula sa October 10 sa mga sinehan. Ang magri-release ng Liway ay ang Quantum Films ni Atty. Joji Alonso.
Bukod kay Glaiza, tampok din sa pelikula sina Kenken Nuyad, Dominic Roco, Soliman Cruz, Joel Saracho, Nico Antonio, Sue Prado, Vance Larena at Khalil Ramos. Alamin at tuklasi kung bakit pinagkaguluhan ang pelikula nang ipalabas ito sa Cinemalaya.