
TNT boys to perform with TNT host, hurados
Magpapasabog ang world class performers na sina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez at Francis Concepcion ng TNT boys sa kanilang first major concert na “Listen: The Big Shot Concert” na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Nobyembre 30.
Special guests nila sina Vice Ganda, Jed Madela, K Brosas at mga kapuwa “Your Face Sounds Familiar” performers tulad nina Chun-sa Jung, Esang de Torres, Krystal Brimner, Marco Masa, Noel Comia, Jr., Onyok Pineda , Sheena Belarmino at Xia Vigor.
Hirit ng trio, marami raw silang sorpresang inihanda para sa kanilang fans at followers para sa naturang concert.
Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto rin nilang makapag-perform kasama ang mga iniidolo nilang sina Ariana Grande, Beyonce, Mariah Carey at Demi Lovato.
Gusto rin nina Kiefer at Francis na sundan ang yapak ni Mackie na nabinyagan na sa larangan ng pag-arte sa pelikulang “Bakwit Boys” na naging kalahok sa ikalawang edisyon ng Pista ng Pelikulang Pilipino.
Katunayan, posible raw magkaroon ng part 2 ang nasabing pelikula kung saan kasama na sila sa cast.
Dahil sa kanilang kakaibang talent, patuloy ang pamamayagpag ng nasabing grupo sa larangan ng musika.
Kamakailan lang ay inuwi nila ang Royal Cub award mula sa RAWR Awards ng online site na Lionheartv dahil sa kanilang patuloy na pagiging laman ng balita, usap-usapan sa social media, at sa kanilang trending performances sa loob at labas ng bansa na nagbigay ng karangalan sa mga kapwa Pilipino.
Mas maraming world-class performances din ang matutunghayan mula sa kanila dahil magiging parte na rin ang TNT Boys ng “ASAP” simula ngayong Linggo (Nobyembre 18), kung saan makakasama nila ang pinakamahuhusay na mang-aawit at performers sa bansa.
Bukod sa weekly appearance nila sa “ASAP,” may handog din silang regalo sa kanilang mga tagahanga ngayong Pasko dahil magre-release sila ng Christmas album na pinamagatang “TNT Boys Christmastime” sa ilalim ng TNT Records kung saan bibigyan nila ng panibagong tunog ang ilan sa mga pinakasikat na classic Christmas songs.
Mula nga nang mag-viral ang vocal showdown ng tatlo sa “Gandang Gabi Vice,” sunod-sunod na ang naging appearances nila sa iba’t-ibang international shows gaya ng “Little Big Shots” sa US, UK, at Australia.
Nakapag-perform na rin sila sa harap ng iba’t-ibang head of states gaya nina Pres. Rodrigo Duterte, Singaporean president Halimah Yacob, at Papua New Guinea prime minister Peter O’ Neill.
Lumipad din kamakailan patungong US ang trio para lumaban sa isang international talent competition, kung saan malapit na silang mapanood.
Una namang nakilala sina Mackie, Kiefer, at Francis bilang grand finalists ng “Tawag ng Tanghalan Kids.”
Naging kalahok din sila sa “The Kids’ Choice,” kung saan nagwagi sila ng P50,000 na ibinigay nila bilang donasyon sa Bantay Bata.