
Nanibago ako—Kathryn Bernardo without Daniel Padilla in Three Words To Forever
Aminado si Kathryn Bernardo na malaking adjustment para sa kanya ang paggawa ng pelikula na hindi kasama ang kanyang boyfriend na si Daniel Padilla.
“It’s a big, big adjustment for me. Hindi ko sasabihin na naging madali siya, kasi ang tagal din ng 6 or 7 years na kasama ko si DJ.
“Alam mo iyong pagpunta sa set na feeling mo weird siya, kasi nakasanayan ko na siya. Nanibago ako, kasi noong in-offer sa akin iyong movie of course with Tita Sharon and Tito Richard, naririnig ko iyong story. Ang ganda-ganda niya, gusto ko siyang gawin, kasi anak ako, parte ako ng family.
“Gusto ko once they watch the movie ako iyong mag-represent sa mga youth na iyong gets ko siya na ako iyong boses ng mga anak,”paliwanag niya.
“Of course, noong first few shooting days, nangangapa-ngapa ka, lahat kami. Kasi tapos out of town pa iyong shoot. Hindi ka nakaka-roam sa house mo. Hindi mo nakikita iyong ibang tao. But then, after a week o r maybe, 2 weeks later, okey na,” dugtong niya.
Hirit pa niya, malaki rin daw ang nagawa ng suporta ni DJ na dinalaw siya sa set noong sila ay nagsho-shoot ng “Three Words To Forever.”
“Nakatulong si DJ kung paano niya ako sinuportahan sa movie na ito. Hindi siya nagkulang sa support. Ang swerte ko. Siya iyong kumausap kay Tommy kung paano iha-handle iyong love team namin. Mas naging madali rin para sa aming dalawa ni Tommy,” esplika niya.
Naging panatag din daw siya dahil si Direk Cathy Garcia Molina na director niya sa “The Hows of Us” ang humawak ng pelikula.
“And of course, si Direk Cathy naman, hindi sa akin naging mahirap dahil naron siya, parang siya iyong nanay ko sa industriya, Kinakausap niya ako, inalagaan niya ako,” pagbabahagi niya.
Bagamat nakakaramdam ng pressure dahil isa siya sa magdadala ng pelikula dahil naging highest grossing Pinoy film of all time ang huli niyang pelikulang “The Hows Of Us,” positive naman si Kathryn na tatanggapin ng mga manonood ang “Three Words To Forever” na isang family movie.
“Actually, kasi siguro itong movie na ito, ibang-iba siya sa “The Hows of Us.” This is a family movie at ang ganda-ganda ng materyal. More than just kumita, mas gusto ko kung maraming pamilya, anak ang ma-touch ng story namin. Feeling namin, nagagawa namin ang trabaho namin as actors kapag iyong mga nanood nakita nila ang sarili nila sa iyo at nakaka-relate sila. Happy ako sa materyal. Gusto ko siyang mapanood ng lahat ng members ng family. Iyong mga projects na nagawa ng Star Cinema, puro siya love stories. Fan ako ng Four Sisters and a Wedding. Fan ako ng Seven Sundays. Fan ako ng movie na ito,” pagwawakas niya.
Papel ni Tin na ikakasal sa kanyang boyfriend na si Kyle (Tommy Esguerra) at anak ng estranged couple na sina Cristy ( Sharon Cuneta) at Rick (Richard Gomez) ang role ni Kathryn Bernardo sa “Three Words To Forever.”
Ang “Three Words To Forever” ang balik tambalan nina Sharon at Richard pagkatapos ng labinlimang taon.
Tampok din sa pelikula sina Freddie Webb, Liza Lorena, Marnie Lapus, Tobie dela Cruz at Joross Gamboa.
Bilang pagpupugay sa pamilyang Pinoy sa buong mundo, palabas na ang pelikula sa Nobyembre 28, kung saan ipinagdiriwang ang National Family Day.