
Harlene Bautista, Joel Lamangan create touching family story in ‘Rainbow’s Sunset’
Walang pinipiling kasarian ang pag-ibig—iyan ang naging sentro ng kwento ng Heaven’s Best Entertainment entry para sa Metro Manila Film Festival, ang Rainbow’s Sunset starring Eddie Garcia, Gloria Romero, at Tony Mabesa. Kasama rin sina Aiko Melendez, Sunshine Dizon, at Tirso Cruz III.
Si Harlene Bautista ang executive producer at namamahala sa Heaven’s Best Entertainment. Sa kabila ng hiwalayan sa pagitan nya at ng kanyang asawa, hindi naapektuhan si Harlene at nakapag produce pa ng isang magandang pelikula para sa MMFF.
Naniniwala kami sa husay nang pagkakasulat ng award-winning screenplay Eric Ramos, na talaga namang pinaiyak kami sa bawat linya. Maganda ang palitan ng linya nina Eddie, Gloria, at Tony.
Nagpamalas din ng galing ang mga beteranong artista. Si Eddie bilang isang ex-senator na piniling samahan ang may sakit na kaibigan at kababata na ginagampanan ni Tony. Si Gloria naman ang butihin at maunawaing asawa ni Eddie. Sentro ang kwento ng pamilya na susubukin ang tatag sa sitwasyon nina Eddie at Tony.
Dahil sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, pamilya pa rin talaga ang masasandalan. Nasubok din ang pamilya sa mga hamong kinaharapan ng mga karakter nina Aiko, Sunshine, at Tirso. Lumaban din ang tatlo sa aktingan.
Ang LGBTQ+ themed movie na ito ay napaka-touching at relatable. Napaka sincere ng bawat eksena. Kapag pamilya naman ang pinag-uusapan, talagang may kirot ito. Ito ay sa direksyon ng award-winning director Joel Lamangan.
Kwento ni direk Joel, alay ang pelikulang ito para sa gay community na sa lahat ng pagkakataon ay nahuhusgahan pag dating sa pag-ibig. Dagdag pa ng direktor, ang mga bakla ay may karapatang magmahal at mahalin ng isang tunay na lalaki o kung sino pa man. Walang pinipiling kulay ang pag-ibig. Ang gay community ay mga tao rin na kailangang unawain at damayan sa pagkakataon na nahihirapan sila.
Maraming nagandahan sa pelikula nang mapanood namin ito sa press preview. Ibig sabihin ay maganda ang team up nina Harlene bilang producer at Joel bilang director. Isa itong masterpiece na para sa lahat ng pamilya.
Lahat ay may karapatang magmahal. Ang Rainbow’s Sunset ay dapat panoorin sa darating na December 25. Ito ay produced ng Heaven’s Best Entertainment ni Harlene Bautista, at sa direksyon ni Joel Lamangan.