
Nora Aunor on Kuya Germs: “He’s a true friend through thick and thin.”
by Oghie Ignacio
May bahid ng lungkot sa tinig at pananalita ng superstar na si Nora Aunor sa mga panayam sa kanya dahil nga sa pagkaka-stroke ni Mastershowman/Starbuilder na si German Moreno a.k.a. Kuya Germs ng buong local showbiz kung saan marami ang nabigla sa kabila ng sigla at lakas ng kanyang pangangatawan ay hindi inaasahang mangyayari sa kanya ang gano’n. Kaya naman sa tuwing kakapanayamin si Mama Guy ng sinumang movie press ay labis ang lumbay ng kanyang kalooban.
“Mahal na mahal ko si Kuya Germs at alam n’yong lahat ‘yan,” ang consistent na pahayag ng superstar. “Kahit may mga panahong nagkakatampuhan kami at minsan, hindi ako nakakapunta sa imbitasyon niya dahil may kompromiso ako ‘e, hindi talaga nagbago ng pakikitungo sa akin ang taong ‘yan,” sey pa nito.
Hindi lang kasi basta tumatayong ama-amahan at parang tunay na kamag-anak ang turingan nilang dalawa kundi tunay na magkaibigang walang iwanan, walang talikuran maging sa tagumpay o kabiguan man ng kanilang buhay at propesyong napasukan sa industriya ng aliwang lokal. Hindi na kataka-takang sobrang lungkot ni Mama Guy sa sinapit ng kanyang Kuya Germs na matagal niyang nakatrabaho sa “Superstar” show niya noon at naging direktor niya sa mga pelikulang “My Blue Hawaii” and “Guy & Pip The Movie”.
“Sobrang bait ni Kuya Germs at talagang laging naroon ang pang-unawa niya sa akin. Kasi nga kilalang-kilala namin ang isa’t-isa. Kaya nga ang tawagan namin ay “Ney”,” sabi pa nito na ang ibig sabihin ng salitang naturan ay “Honey”.
“Kulang na lang sa amin talaga ay ang magpakasal sa sobrang pagmamahalan at samahan namin ni Kuya Germs na hindi puwedeng masira ng kahit na sino rito sa mundong ginagalawan naming dalawa,” dagdag pahayag pa nito.
Pinatunayan naman nila ‘yon sa loob ng mahabang panahong pagkakaibigan nilang sinubok na ng maraming unos, intriga at kung anu-ano pang hinarap nilang mga taong humahadlang sa hindi mapapantayang closeness at pagiging totoo nilang tao sa isa’t-isa na lalong nagpatibay ng kanilang samahan.
“Hindi lang kasi siya tunay na kaibigan. Malaki rin ang kanyang puso sa pagtulong lalo na sa mga baguhan dito sa showbiz na gustong magtagumpay. Basta may talento handa siyang sugalan ‘yon. Kaya ang daming mga kabataang sumikat ngayon dahil sa tulong niya. Maski naman nu’ng dati pa na nag-uumpisa palang ako rito sa showbiz ipinaramdam niya sa akin na sincere ang ginagawa niyang pagtulong. At ‘yon ay isa sa mga tinatanaw kong utang na loob sa kanya,” tuluy-tuloy na pahayag pa ni Bulilit.
Patuloy na humihingi ang superstar ng mga panalangin maging sa kanyang Noranians Worldwide na manatiling malakas ang pagdarasal para sa madaliang paggaling ni Kuya Germs na pinaniniwalaan ng lahat na malaki pa ang magagawa sa local showbiz.
“Sa mga nagmamahal nating mga kaibigan at kasamahan dito sa industriya natin ‘e, patuloy tayong magdasal sa nasa Itaas na ibalik ang lakas at tuluyang gumaling na si Kuya Germs. Kasi naniniwala akong makapangyarihan ang tapat na panalangin sa Kanya at alam kong diringgin Niya ‘yon,” lahad pa rin nito.
Sa kapapasok na 2015 ay may mga kaabang-abang na indie films ang locally & internationally acclaimed best actress at ‘yun ay ang “Padre De Familia” nila ni Coco Martin, “Whistle Blower” with Cherrie Pie Picache & Angelica Panganiban at ang “TAKLUB” na kolaborasyon nilang obra ni Direk Brillante Mendoza.
“Abangan at suportahan sana nila ang mga natapos kong mga obra, dahil hindi sila magsisisi. Magaganda lahat ‘yon,” pahayag pang may imbitasyon sa publiko ng one & only superstar.
Follow me…