
‘Istorya ng Pag-asa’ hopes to bring more stories of inspiration
Muli na namang aarangkada ang Istorya ng Pag-asa Filmfest, ang brainchild ni Vice President Leni Robredo sa pakikipagtulungan ng Ayala Foundation at Film Development Council of the Philippines na nasa ikalawang taon na ngayon.
Layunin nitong maging balon ng inspirasyon sa mga Pinoy sa kanilang pakikibaka sa buhay.
Tampok dito ang mga pambihirang kuwento ng pag-ahon at tagumpay ng ordinaryong Pinoy sa mga pagsubok ng buhay.
Noong nakaraang taon, nanalong best film ang short film na “Ang Biyahe ni Marlon”ni Florence Rosini na tumatalakay sa isang Uber driver na may Torrette Syndrom at kung paano niya ginamit ang kanyang kapansanan para maging inspirasyon sa paghahanap-buhay.
Nagmarka rin ang short film na “Gawilan” ni Kelsy Lua na pumapaksa naman sa tunay na buhay ni Ernie Gawilan, isang PWD na swimmer na natupad ang pangarap na makasali sa 2016 Summer Paralympics.
Hindi rin nagpahuli ang “Tago” ni Meg Seranilla tungkol sa isang jazz drummer at kung paano niya naipundar ang kanyang Tago Jazz Café.
Dahil sa tinamong tagumpay nito noong nakaraang taon, mas pinaigting pa ito at layunin pa nitong palawigin pa ang pagpapalaganap ng mga kuwentong kapupulutan ng pag-asa at aral ng bawat Pilipino.
“Layunin namin na sa pamamagitan ng Istorya ng Pag-asa, magkabuklod-buklod ang mga Pinoy at makakuha ng inspirasyon sa mga kuwento ng pagbangon, pagsusumikap, pakikibaka ng kanilang kapuwa, sa paniniwala sa kabutihan ng bawat tao at sa katatagan ng mga Pinoy sa anumang pagsubok na kanilang kinakaharap sa buhay,” ani VP Leni Robredo.
Ang actor-producer na Dingdong Dantes ang ambassador ng Istorya ng Pag-asa Filmfest.
Sa mga short filmmakers na gustong sumali, pumunta lamang sa kanilang website na www.istoryangpagasa.ovp.gov.ph. para sa mechanics.
Ang deadline ng entries ay nakatakda sa Marso 25, 2019.
Ang mga mananalo sa 2nd Istorya ng Pag-asa Film Festival ay ihahayag sa Hunyo 8 ngayong taon.