May 22, 2025
Monsour gets support from Pres. Duterte
Latest Articles

Monsour gets support from Pres. Duterte

Mar 25, 2019

Sobrang busy ng actor at Taekwando expert turned Makati congressman Monsour del Rosario dahil kinakarir talaga niya ang pangangampanya para sa kanyang vice-mayoralty bid sa nasabing lungsod kung saan saan katiket niya ang dating mayor na si Junjun Binay.

Happy din siya dahil suportado ng Pangulong Duterte ang kanyang kandidatura.

Hirit pa niya, kumandidato siya bilang vice mayor dahil hiniling ito ng kanyang mga constituents na humihingi ng pagbabago sa kanilang siyudad.

Nawindang naman siya sa balitang nahatulang mabilanggo ng Sandiganbayan ang kanyang kaibigan at kapuwa action star na si Ronnie Ricketts (dating Optical Media Board (OMB) chairman) kaugnay ng kasong graft na iniharap dito dahil sa pagre-release ng mga nasamsam na pirated discs noong 2010 sa panahon ng kanyang panunungkulan.

“Tatanungin ko nga siya, pati si Dinky Doo, tatanungin ko rin. Hindi ko alam kung totoo siya. Hindi ako magdya-judge. Siyempre, alam mo naman sa Pinas. Kaibigan ko si Ronnnie. Nagulat talaga ako, parang ang hirap paniwalaan. 

Napaka-diretso ni Ronnie, gagawa siya nang ganoon, o kung anuman ang ibinibintang sa kanya,” aniya.

“Siyempre, hindi natin alam. Basta ako, hindi naniniwala. Hindi naman kasi araw-araw kaming nag-uusap o araw-araw ko siyang nakakasama. Hindi ko lang alam, kung na-frame up siya. Hindi ko alam kung kinaiinggitan ba siya. Hindi ko alam kung may nakaaway siyang mas mataas sa kanya na inipit siya. Actually, nagulat nga ako na meron pala siyang kaso na 2010 pa,” dugtong niya.

Sina Monsour at Ronnie ay nagkasama sa mga pelikulang “Uno,” “Ganti ng Api” at iba pa.

Tungkol naman sa estado ng umano’y kritikal na kondisyon ng local film industry lalo na ang kakulangan ng pagtangkilik ng mga manonood sa pelikulang Pinoy sa mga sinehan simula noong pumasok ang Enero, aminado siyang nalulungkot sa kalagayang ito.

“Marami kasing problema rin ang movie industry tulad ng piracy, iyong mataas na taxes at saka iyong pagpasok ng ibang platforms,” ani Monsour.

Boto naman siya sa naging consensus ng mga movie producers na ilipat ang opening day ng mga pelikulang Pinoy mula sa nakaugaliang Wednesday opening to Friday.

“I think, makakatulong siya,” sey niya.

Aprub din siya na limitahan ang pagpasok ng mga foreign films sa bansa tulad ng ipinatutupad ng Korea at ibang Asian countries para maprotektahan ang interes ng mga Pinoy.

Hinggil naman sa pagpasok ng kanyang mga anak sa showbusiness, ayaw daw niyang i-encourage ang mga ito.

“Hindi sila marunong mag-Tagalog, e! Tinuturuan ko pa, e.International school nag-aaral, eh.

“Yung babae naman sa Assumption, iyon medyo marunong ng konti [ng Tagalog] Tapusin muna nila ang school,” kuwento niya.

“Kasi ang nakita ko sa karamihan ng kabataan, noong pumasok ako sa showbiz, kapag nakatikim na sila ng pera, kapag kumikita na sila ng pera, nagtatrabaho na, ayaw nang mag-aral. So patapusin muna ng pag-aaral nila, pagkatapos kung gusto nila, at least tapos na sila,” pahabol niya.

For the record, nakapagpasa nang humigit-kumulang na 51 batas sa loob  lamang ng ng kanyang termino bilang congressman ng first district ng Makati. 

Ilan sa naipasa niyang batas ang Telecommuting Act kung saan puwede nang nagtratrabaho sa kanilang mga bahay ay nabibigyan ng propesyunal na gabay para sa kanilang kaligtasan, oras at social security.

Sa kanyang termino rin naipatayo ang pangalawang Philippine Olympic Training Center na matatagpuan sa New Clark City na may world-class facilities pra sa ating mga atleta na nangangarap na maabot ang kanilang mga pangarap.

Siya rin ang isa sa mga nagsulong na i-extend ang validity ng passports mula lima hanggang sampung taon na ngayon ay napapakinabangan na ng ating mga OFWS at mga mamamayan.

Isa rin siya rin sa mga sponsors ng free tertiary education at universal healthcare law na naglalayong tugunan ang pangangailangan at karapatan ng isang tao sa disenteng edukasyon at pangangalagang medikal.

Kasama rin sa plataporma niya ang pagbibigay ng dagdag na benepisyo at serbisyo sa mga senior citizens. 

Layunin din niyang maglingkod nang walang imbot at buong katapatan na walang pinipiling serbisyuhan maging kaalyado man o kalaban.

Naniniwala kasi siyang ang tunay na serbisyo publiko ay walang pinipiling kulay o pulitika.

Nasa programa rin niya ang paigtingin pa ang educational, medical, livelihood and burial assistance sa Makatizens.

Leave a comment