
Dr. Willy Ong doesn’t accept campaign donations
Bago pa man naging social media sensation si Dr. Willy Ong, aktibo na siya sa pagkakawanggawa at pagbibigay ng serbisyo publiko.
Katunayan, siya ang takbuhan ng mga mahihirap sa kanilang mga hinaing pagdating sa mga usaping pangkalusugan.
Bagamat hindi niya pinangarap na maging pulitiko, naisip niyang mas makakatulong siya sa mamamayang Pinoy kung may boses sa Senado ang isang taong nabibilang sa health sector.
Ito rin ang dahilan kung bakit siya nagdesisyong tumakbo bilang Senador sa darating na May national elections under Lakas-CMD.
“Masarap makatulong sa isa, dalawa, tatlo. Pero baka makatulong tayo sa isang libo, dalawang libo why not, di ba? Baka may gusto pa ang Dios na ipagawa sa akin. Iyon talaga ang purpose ko,” aniya.
“Ang daming pasyente kasi ang humihingi ng tulong sa akin, lalo na noong dumami ang followers ko. I have 10 million followers. Iyong mga nagda-dialysis, 40,000 sila, iyong kailangang operahang mga bata, 5,000 sila. Laging humihingi ng tulong kaya pinipilit akong tumakbo kaya sabi ko bigyan ko ng tsansa, hindi naman ako makatanggi sa kanila,” dugtong niya.
Ang karanasan niya sa panggagamot at medisina ang sandata niya para makatulong sa pagsasabatas ng mga panukalang magsusulong sa kapakanan ng bayan, hindi lang sa larangan ng kalusugan.
“Mas alam ko kung paano ilalagay iyong pondo, kung anong magagandang proyekto, paano babantayan iyong pera ng bayan sa DOH, Philhealth lalo na ngayong na may universal health care, eh. Malayo pa iyong lalakbayin natin bago maabot kaya gusto ko, tayo ang magbabantay para maabot iyong tulong sa mga mahihirap,” dugtong niya.
Kung mahahalal, uunahin niya ang pagpapayabong ng sakop ng Universal Health Care.
“Unang-una, iyong sa Universal Health Care, kailangang tutukan natin ang budget, na magkaroon tayo ng budget at naibibigay iyong mga libreng check up sa mahihirap, libreng maintenance medicine at laboratory tests. Sa ngayon, tingin ko, baka hindi iyon ang priority nila, eh, kaya nga gusto nating ipaglaban. Sa ngayon kasi, na-compute ko na kung magkano ang kailangan ng buong bansa. It’s around 36 billion ang magagastos kung may checkup tayo sa 20 million poor Filipinos na P1,800 per year. Maliit lang naman iyong P1,800 per year…CBC, urinalysis , libreng gamot pero may konting ginhawa na iyon pero huwag tayong umasa na sa Universal Health Care, magagamot lahat dahil malayo pa tayo sa America, sa Japan at sa ibang bansa na libre ang lahat. Hindi pa kaya ng Pilipinas sa ngayon. Kumbaga, pag-iibayuhin pa lang natin at mainam kung may boses tayo sa Senado,” paliwanag niya.
Pagtatapat pa ni Dr. Ong, idol niya ang yumaong Senador na si Juan Flavier na maraming nagawa noong kanyang termino pero hindi nagpayaman sa posisyon.
“Idol talaga natin si Senator Juan Flavier. Kaya nga tayo, hindi tumatanggap ng campaign donations, wala tayong ginagastos . Kung sino lang ang nag-iimbita saka tayo pupunta. Ayaw nating magkautang sa negosyante para wala tayong babawiin sa ibang araw,” bida niya.
Alam din niya ang pangangailangan ng entertainment industry at iyong mga nagtratrabaho sa ganitong sector.
“Matagal ako sa ABS-CBN, 12 years ako sa Salamat, Dok , nasa DZRH, sa Philippine Star. Nag-training ako kay Boy Abunda ng hosting kaya nga may show ako noon. Karamihan kasi sa showbiz , ang daming bisyo. Kailangan nila ng iyong libreng checkup, iyong libreng advice at doon ako makakatulong. At saka kung merong batas para sa showbiz na makatutulong, isusulong ko. Ako kasi pro-Filipino. Ang gusto kong pinapanood at tinatangkilik iyong mga lokal, kahit na nga sa music, gusto ko, OPM. Nag-produce rin kasi ako ng album dati. Sa mga radyo, dapat ang pini-play iyong mga OPM. Iyong pag-limit ng foreign films, puwede nating pag-aralan iyon,” pagtatapos niya.
Kabalikat ni Dr. Willy Ong sa kanyang mga adbokasya ang Anakalusugan party list kasama ang nominees nitong sina dating Quezon City Congressman at HUDCC Secretary Mike Defensor, Ower Andal at Darlo Ginete.