
Pinoy filmmakers go Cannes; FDCP extends arms
Ang Cannes Film Festival ang nangunguna at itinuturing na pinaka-prestihiyosong international film festival sa buong mundo.
Bilang isang A-list filmfest, isang malaking karangalan para sa isang bansa ang maipalabas o makasama sa kumpetisyon ang kanilang mga pelikula rito.
Sa Cannes, tinanghal na best actress si Jaclyn Jose para sa pelikulang “Ma Rosa” ni Brillante Mendoza noong 2016.
Dito rin nanalo ng kanyang international best director award si Brillante Mendoza sa kontrobersyal na pelikulang “Kinatay” noong 2009.
Sa festival ding ito, nakilala ang National Artist na si Lino Brocka nang ipalabas ang kanyang obrang “Insiang” sa Director’s Fortnight noong 1978.
Kinilala rin dito ang galing ng Pinoy nang makuha ni Raymond Red ang kauna-unahang Palm d’Or award para sa short film na “Anino” noong 2000.
Kaya naman, dahil bilib sa kakayahan ng mga Pinoy, suportado ng Film Development of the Philippines sa pamumuno ni FDCP Chair Liza Dino Seguerra ang delegasyon ngayong taon sa ika-72 edisyon nito.
Kasama sa Director’s Fortnight ang pelikulang “Ang Hupa” (The Halt) ni Lav Diaz na ipalalabas dito.
Ang futuristic film na ito ni Lav Diaz ay nagtatampok kina Piolo Pascual, Shaina Magdayao, Joel Lamangan, Hazel Orencio, Pinky Amador, Joel Saracho, Mara Lopez, Adrienne Vergara, Ely Buendia, Bart Guingona, Susan Africa at marami pang iba.
Tampok naman sa Critics’ Night (Semaine de la Critique Cannes) ang “The Manila Lovers” na pinagbibidahan ng Urian award winning actress na si Angeli Bayani at Øyvind Brandtzæg.
Ang short film na ito ay idinirehe ng Norwegian filmmaker na si Johanna Pyykko.
Sa Short film corner (Market Screening) ay ipalalabas din ang Ophelia ni Celina Mae Medina tungkol sa isang depressed college student na nangangailangan ng psychiatric help.
Dagdag na karangalan din sa bansa ang pagbida ng Pilipinas bilang country of focus sa Cannes Producers Network ng Marche du Film na idadaos mula Mayo 15 hanggang 21 sa nasabing filmfest.
Ang Marche du Film ang pinakamalaking film market sa buong mundo na ginaganap kasabay ang Cannes Film Festival.
Bahagi ng film market na ito ang Cannes Producers Network, isang exclusive na producers-only event na tinitipon ang producers mula sa buong mundo kung saan puwede silang makapag-network sa iba pang international partners sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Sa spotlight event ng Cannes Producers Network, kasama ang pinakamalalaking industry players ng bansa tulad ng APT Entertainment, Globe Studios, The IdeaFirst Company, Spring Films at TEN17P. May special participation din dito ang ABS-CBN Films, ang pinakamalaking film production outfit sa Pilipinas, na Guest of Honor ng event.
Suportado rin ng FDCP ang mga promising producers na kasali sa event tulad nina Monster Jimenez ng Arkeofilms, Treb Monteras ng Dogzilla, Maria Madonna Tarrayo ng UXS, Inc., Dan Villegas ng Project 8 corner San Juanico Projects, Kriz Anthony Gazmen ng Black Sheep, Michaela Tadena ng Media East Productions, Pamela Reyes ng Create Cinema at Arleen Cuevas ng Cinematografica Films.
Tampok din ang producers at production companies sa Marche du Film Pavilion ng Pilipinas sa Village International Riviera mula Mayo 14 hanggang 23, 2019.
Kasama rin dito ang BlackOps Studios Asaia, Concept One, Epicmedia, Rocketsheep Studio, Sine Olivia Pilipinas, TBA Studios, Unitel Productions at Visioncapture para bumuo ng partnerships at makipag-network sa content buyers at sellers.
Ang Philippine Pavilion ay nasa Pavilion 114 ng Village International Riviera.
Ang Cannes Film Festival ay gaganapin mula Mayo 14 hanggang 25, 2019 samantalang ang Marche du Film naman ay mangyayari mula Mayo 14 hanggang 23, 2019.